Home OPINION PULIS, NOON AT NGAYON

PULIS, NOON AT NGAYON

BREAKING news – may bagong hepe ang pulisya ng lungsod ng Caloocan sa katauhan ni P/Col. Paul Jady D. Doles, miyembro ng Philippine National Police Academy Sinagtala Class 2002.

Pinalitan ni Doles ang isa pang ‘Lakay’ (Ilokano) na si P/Col. Ruben Lacuesta na ang dalawang taong ‘di matatawarang panunungkulan sa Caloocan ay hinangaan ng mga batang Kankaloo.

Bago ang assignment sa Caloocan, si Doles ay opisyal ng Manila’s Finest na humawak ng iba’t ibang posisyon, isa rito ang pagiging station commander ng Station 1 o Raxabago Police Station at District  Personnel and Records Management Division.

Tumanggap ng iba’t ibang police awards, malaki ang ating paniwala na papantayan, kundi man malalampasan ng full- bloodied-ilokano na ito ang achievement ng kapwa FBI na predecessor.

***

Nakami-miss ang nagdaang panahon na kapag napag-uusapan ang mga pulis, ang kaagad tatatak sa isipan ay respeto sa mga pulis, maayos at tahimik na komunidad na may katiyakan ang seguridad.

Ito yaong panahon kung tawagin ay Integrated National Police na inirerespeto ang pulis – kinakatakutan ng kriminal dahil ginagawa ang kanilang mandato bilang alagad ng batas.

Hindi ko sinasabing sa kasalukuyang Philippine National Police ay wala ang mga katangiang ito dahil nakikita’t nararamdaman pa naman ng taumbayan kaya lang iba noong INP ang bansag sa puwersa ng pulisya.

Maikuwento ko lang. Noon, kapag nakita ang pulis sa lansangan ay kampante sina Juan at Maria – ‘di natatakot na mabugbog o maholdap dahil alam nilang sila’y may bantay na huhuli sa mga kriminal.

Ngayon, may mga pulis na bantay-salakay. Kundi holdaper at killer ay sangkot sa ‘kolek-tong’. May klase ng krimen na dawit ang pulis kaya nawalan ng tiwala ang taumbayan sa buong organisasyon.

Noon ang liderato ng INP ay sensitibo, inaaksyunan ang sumbong na katiwalian ng mga miyembro, kabaliktaran ngayon na ‘di kumikilos, sa halip ay kinukunsunti pa ang scalawags sa organisasyon.

Korapsyon ang puno’t dulo ng bagsak na imahe ng PNP. Dahil sa kasuwapangan sa pera ng ligaw sa landas na  police officials – ipinagpapalit ang sinumpaang trabaho sa kinang ng ‘tongpats’.

Pero hindi imposible kung gugustuhin. Pwedeng ibalik ang nakaraan – ang nakaka-miss na INP days. Kailangan lang ay ‘leadership will’ na nakikita naman kay P/Gen. Rommel Marbil.