LANAO DEL SUR- Patay ang isang pulis habang sugatan ang kasamahan nito matapos silang tambangan at pagbabarilin ng pinaniniwalaang miyembro ng local terrorists group kahapon ng hapon sa bayan ng Picong.
Kinilala ang nasawi na si PSSg Albert Magdayao habang nilapatan sa ospital ang kasamahan na si PCpl Sammy Marohom pawang kasapi ng Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Sur.
Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang tropa ng pamahalaan laban sa mga suspek na kinilalang sina Aminola Alilang alyas Koko, Lani Alilang, Fahad Alilang at dalawang hindi pa nakikilala.
Batay sa report ng Picong Municipal Police Station, bandang alas-4 ng hapon nang maganap ang krimen sa Barangay Pindululuhan, Picong, Lanao del Sur.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagsagawa ng hot pursuit operation ang pinagsanib na pwersa ng 2nd PMFC, Picong PNP at MBLT 2 kaugnay sa naiulat na carnapped vehicle sa bahagi ng Pindulonan, Picong, Lanao del Sur.
Pabalik na sana ang tropa ng pamahalaan dala ang nabawing sasakyan ng bigla na lamang harangin ng mga suspek at pinaulanan ng bala ng baril.
Tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan si Magdayao na naging sanhi ng agaran nitong kamataan habang itinakbo naman sa ospital si Marohom na ngayon ay nagpapagaling na.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang krimen. Mary Anne Sapico