ILOILO CITY- Nagbuwis ng buhay ang isang pulis matapos mabaril ng hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang drug buy-bust operation ng pulisya, noong Linggo sa lungsod na ito.
Kinilala ang nasawi na si Staff Sgt. Michael Malan, 42-anyos, team leader ng Special Weapons and Tactics (SWAT), Iloilo City-PNP, at residente ng Barangay Calaparan, Arevalo district, Iloilo City.
Sa pinagsamang operasyon ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) regional police DEU, at Iloilo City Police Station 1, bandang alas-11:30 ng umaga nang isagawa ang operasyon sa Barangay Concepcion, ng nasabing lungsod.
Itinuturing na high-value individuals (HVIs) ang tatlong suspek na kinilala lamang sa kanilang mga alyas “Bong-Bong,” “Ivan,” at “Kate,” para gagawing follow-up operation.
Nakuha sa mga suspek ang 11 pakete ng shabu na may bigat na 1,156 gramo at tinatayang aabot sa halagang ₱7.8 million, ₱20,000 buy-bust money, at isang 9mm Taurus handgun.
Ayon kay Iloilo City Police Office Director, Col. Joeresty Coronica, labis nilang ikinalungkot ang pagkamatay ni Malan na 15 taon na sa serbisyo.
Sinabi ng pulisya, natunugan ng suspek na pulis ang katransaksyon nito kaya agad na pumasok sa kanilang bahay at kumuha ng armas saka pinagbabaril ang operatiba.
Nanguna si Malan para sana arestuhin ang suspek subalit tinamaan ito ng mga bala ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan.
Agad namang dinala sa ospital ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na rin ito ng hininga.
Samantala, makalipas ang dalawang oras ay sumuko rin sa pulisya ang mga suspek.
Samantala, nagpahayag ng pakikiramay si Mayor Jerry P. Treñas sa pamilya ng napatay na pulis at nangakong susuportahan sila sa anumang paraan.
Sinabi ni Police Regional Office 6 Director, Brig. Gen. Sidney Villaflor, nagpahayag din ng kalungkutan sa pagkamatay ni Malan.
Aniya, “Ang isang marangal na buhay ay muling nawala sa ating pakikipaglaban sa iligal na droga, nawa’y ang pagkamatay ni Malan ay muling mag-alab sa ating mga puso upang gawin ang ating bahagi upang wakasan ang banta ng droga sa ating komunidad. Hindi ito magagawa ng pulisya nang mag-isa, kailangan natin ang buong suporta ng komunidad para makamit ang drug-free Western Visayas.” Mary Anne Sapico