MANILA, Philippines – Umamin na mayroong “illicit relationship” ang pulis na tinukoy bilang isa sa mga primary suspect sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.
Sa ulat, hinarap umano ni Police Major Allan de Castro si Philippine National Police (PNP) General Benjamin Acorda Jr. at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Romeo Caramat sa Camp Crame nitong Miyerkules, Nobyembre 15.
“Siya po ay iniharap natin kay chief PNP kaninang umaga, and he admitted na meron silang illicit relationship with Miss Camilon,” ani Caramat.
Ito ang unang pagkakataon na inamin ni de Castro na may relasyon ito sa nawawalang beauty queen.
Sa kabila nito, sa 30-minute conversation sa loob ng white house sa Camp Crame, ay nanatiling tikom ang bibig ni de Castro kaugnay sa pagkawala ni Camilon.
“Noong siya ay tanungin natin kung meron ba siyang involvement sa pagkawala ni Miss Camilon sinabi lang nya kay chief PNP, he invoked his right to remain silent,” ani Camarat.
Hindi naman pinilit nina Acorda at Caramat na magsalita ang pulis.
“Nag-sorry siya kay chief PNP for dragging the PNP organization na nadadamay na organization which the chief PNP naman accepted his apology,” dagdag pa niya.
Inihain na ang reklamong kidnapping at serious illegal detention laban kay De Castro at tatlo iba pa kaugnay sa kaso ni Camilon.
“May marching order ngayon ang ating Cheif PNP to exert all our efforts to locate Miss Camilon whether alive or dead,” dagdag pa ni Caramat.
Batay sa usapan ng CIDG Region IV-A sa pamilya ni Camilon, nadiskubreng dati nang nagsumbong ang biktima ng assault laban kay De Castro.
May pagkakataon din umano na nakausap nito ang asawa ni De Castro kaugnay ng kanilang relasyon.
Sa imbestigasyon, nasa kabuuang 17 hibla ng buhok ang nadiskubre at 12 swabs ng blood samples ang nakuha mula sa sasakyan kung saan pinaniniwalaang isinakay si Camilon habang duguan. RNT/JGC