MANILA, Philippines – Nakakuha na ng kopya ng CCTV footage at testimonya ng mga witness ang pulisya para sa imbestigasyon sa pagpatay sa radio anchor nitong Linggo, Nobyembre 5.
Ayon kay Police Regional Office 10 (PRO 10) spokesperson Police Major Joann Navarro, magagamit ang mga impormasyong ito upang matukoy ang mga suspek sa pamamaril-patay sa radio broadcaster habang nagpoprograma sa radyo.
“Sa ngayon po, nakakuha na rin po tayo ng CCTV footage sa nasabing insidente,” pahayag ni Navarro.
“Kahapon po actually, nakakuha na tayo ng testimonya ng mga witness at nakikipag-uganayan na rin po iyong ating kapulisan ng Misamis Occidental lalo-lalong na ang ating SITG sa mga kamag-anak,” dagdag pa niya.
Ayon kay Navarro, nakakuha na ng mga impormasyon ang pulisya mula sa mga witness kaugnay sa pamamaril ngunit hindi pa nila ito ilalabas upang hindi makompromiso ang imbestigasyon.
Matatandaan na nitong Linggo ng umaga ay pinagbabaril-patay habang nagpoprograma sa radyo ang radio broadcaster ng 94.7 Calamba Gold FM na si Juan Jumalon o kilala bilang “Johnny Walker” sa Misamis Occidental.
Tinitingnan na ang lahat ng posibleng anggulo sa pagpatay kay Jumalon. RNT/JGC