Home NATIONWIDE Pulong kay Marcos sa ‘paradigm shift’ sa WPS dispute, ‘di na kailangan...

Pulong kay Marcos sa ‘paradigm shift’ sa WPS dispute, ‘di na kailangan – solon

MANILA, Philippines – Hindi na kailangan pang makipagpulong ang Senado kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., sa ginawa nitong “paradigm shift” sa tumitinding sigalot ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Senador Francis Tolentino.

Sa pahayag, sinabi ni Tolentino, chairman ng Senate special committee on Philippine maritime and admiralty zones na nasa poder ng Executive Branch kung paano ipapaliwanag ang ibig sabihin ng bagong pagtugon ng pamahalaan sa lumalalang panggigipit ng China.

“Siguro role na ng executive how to describe, how to unravel the meaning of the concept of paradigm shift. Sila na ‘yon, the Department of Affairs,” aniya sa isang media forum.

“Di ko alam how it will be explained kasi three words nakatatak sa mga diyaryo: ‘paradigm shift’ and then the description with the relationship of China ‘poor,’” giit pa ng senador.

Sinabi pa ni Tolentino na magiging bahagi ng pinalakas na “diplomatic tools” ang maritime zone bill na nakatakdang pagtibayin ng Kongreso sa Enero 2024, na maaaring gamitin ng chief executive sa pakikitungo sa lumalala at patuloy na lumalalang hamon sa WPS.

“That law, once passed, will be submitted to the United Nations. That law will be recognized by all state parties of UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea)…Tumibay ‘yong ating claim kaysa wala,” aniya.

Aniya, epektibo ang public diplomacy ng bansa na naipapakita sa pagpapalimbag ng pagkilos na ginagawa natin ang tumpak na gawain hinggil sa inaangking teritoryo at makahimok ng mas maraming kaalyado.

Pabor din ang senador sa komento ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ’s na dapat nagmimina ng gas ang bansa sa Reed Bank o Recto Bank, pero kailangan ng Pilipinas ng mas maraming economic alliances.

“Convert existing alliances with the US, Australia, Japan as economic alliance that will pave the way for the exploration of whatever sea bed, mineral, and resources can be generated from that area,” ani Tolentino.

Dapat din umanong itali ang anumang panukala sa iba pa tulad ng pagbabago ng economic provisions ng ating Constitution.

“If you tie it up with the reciprocal access agreement maganda rin. Hindi lang dapat joint patrol, I’m sure Japanese technology is more than efficient to exploit the resources,” giit pa niya.

Sinabi pa niya na malabo ang pakikipag-usap sa joint exploration sa China dahil may “mistrust” sa panig ng Beijing.

“I could not say if talks of joint exploration with China would be futile but “the stage we are in right now, baka merong mistrust,” anang senador. Ernie Reyes

Previous article‘SIM registration’ top search sa Google PH ngayong 2023
Next articlePUV modernization deadline itakda pagkatapos ng mass transportation infra – solon