Home OPINION PUMAPABOR SA ICC ANG KAPALARAN

PUMAPABOR SA ICC ANG KAPALARAN

INAKALA ko noon na nag-iisa lamang ako sa pambabatikos sa madugo at walang katwirang giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte. Pero sa bagong survey ng OCTA Research, nagmistulang may kuyog sa pagkondena, iisa ang sentimyento ng isang bansa na sa wakas ay natauhan at nagsawa na sa paniniil at mga pananakot.

Natuklasan sa survey noong Disyembre na 55% ng mga Pilipino ang gustong may managot, hinihiling na makipagtulungan ang gobyerno sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa seryosong akusasyon laban kay Duterte. Kung pagbabasehan ang opisyal na tala na mahigit 6,000 buhay na nawala at pagtayang aabot sa nakapangingilabot na 30,000, ang may bahid ng dugo na legasiya ng rehimeng ito ay hindi na maaaring balewalain na lang.

Ang isang bagay na nakakaintriga, ang hiling na makipagtulungan ang gobyerno sa pagsisiyasat ng ICC ay magkakaiba sa mga rehiyon. Pinakamaraming sumusuporta sa Bicol region na may 79%. Mahusay! At, siyempre pa, ang balwarteng rehiyon ni Duterte na Davao ang nakapagtala ng pinakakakaunting suporta na 6%.

Totoong ang pagkakaibang ito ay sumasalamin sa epekto ng pamumuno ni Duterte sa iba’t ibang dako ng bansa. At noon, ito rin ang pinakiramdaman ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagtangka rin marahil na ikubli ang mga kalupitan ng kanyang hinalinhan.

Nadiskubre rin sa pag-aaral ng OCTA Research na ang suporta na muling maging kasapi ang Pilipinas ng ICC ay nasa 59%, nagpapahiwatig na ang malaking bahagi ng populasyon ay pabor na muling makipag-ugnayan ang bansa sa pandaigdigang komunidad para matugunan ang mga pag-abuso sa karapatang pantao. Ang pinakamalaking suporta na maging miyembro tayong muli ng ICC ay nagmula sa Balance Luzon, na may 65%, habang sa Mindanao, na balwarte ni Duterte, mayroong 51% na sumusuporta.

Ang mga bilang na ito ay nagbibigay-diin sa katotohanang dumarami ang mga Pilipino na naniniwala na kailangang may managot at dapat matamo ang hustisya. Dahil dito, maaari nang tigilan ni Marcos ang mga nauna niyang pagtatangka na ipagkibit-balikat ang kahulugan ng mga survey results na ito, dahil maliwanag naman ang mensahe: hustisya giit ng mga Pilipino, at hindi sila titigil hanggang hindi ito naisasakatuparan — kahit pa pagbayaran mismo ni Duterte ang kanyang ginawa.

Sa lalong madaling panahon, ang resulta ng survey na ito ay mauuwi sa paggigiit na dapat may managot, at maging ang mga inihalal natin, na ngayon ay nagbubulag-bulagan sa malagim na nakalipas ni Duterte, ay mahuhusgahan ng publiko sa susunod na eleksyon.

******

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Previous article1 sa 18 Pinoy sa seized oil tanker pinakawalan
Next articleADIK KA BA SA GADGETS?