Home METRO Pumatay sa mag-ina sa Cebu, naaresto na

Pumatay sa mag-ina sa Cebu, naaresto na

MANILA, Philippines – Inaresto sa mismong araw ng Pasko, Disyembre 25, ang 23-anyos na lalaki na umaming pumatay sa isang ina at anak nito sa Barangay Carreta, Cebu City.

Inaresto ang suspek na si Joselito Larriba sa nasabing barangay.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Crystal Mae Ongos, 31, at 15-anyos niyang anak na si Wawang.

Sinabi ng pulisya na walang-awang binaril ni Larriba si Wawang sa loob ng isang internet shop noong Disyembre 13.

Hatinggabi ng Pasko, hindi pa nakuntento ang suspek at binaril naman ni Larriba ang nanay ng biktima na si Crystal Mae habang nasa lamay ng anak.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Larriba na ginantihan lamang niya si Wawang na tinangka umano siyang saksakin matapos na hingan siya ng P10.

Matapos umanong tangkang saksakin siya ni Wawang, umuwi siya ng bahay, kinuha ang armas, saka bumalik sa internet shop at doon na binaril nang malapitan sa ulo ang biktima.

Ani Larriba, binaril din umano niya ang nanay ng biktima matapos na malamang pinagbantaan ang buntis na asawa nang plano na niya sanang tumakas sa nagawang krimen.

“I already planned to escape. But she threatened my wife who is pregnant,” ani Larriba.

Narekober sa suspek ang .38 na revolver na ginamit sa krimen.

Malalimang iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente upang malaman ang motibo sa pagpatay.

Tinitignan din ang posibilidad ng onsehan sa droga ang dahilan ng pagpatay sa mag-ina.

Anang pulisya, sina Larriba at Crystal Mae ay naaresto na dahil sa illegal na droga. RNT/JGC

Previous articlePaslit patay matapos mabangga ng ambulansya
Next articleP.8M ipinatong sa ulo ng murder suspect sa Valenzuela