Home METRO Pura Luka Vega humirit na makapagpiyansa

Pura Luka Vega humirit na makapagpiyansa

MANILA, Philippines- Naghain ng motion for bail matapos maaresto si Pura Luka Vega, ang drag personality at may tunay na pangalan na Amadeus Fernando Pagente .

Hiniling din sa mosyon ni Vega na babaan ang kanyang bail bond o piyansa na P72,000 na kailangan namang maghain ang prosecutor ng komento o opposition sa loob ng 24 oras.

Umaasa ang kampo ng drag queen na mapagbibigyan ang kanilang mosyon habang inaayos ang iba pa nitong requirements para sa kanyang pansamantalang paglaya..

Kinakatawan ng Burkley and Aquino Law Office so Pura Luka Vega.

Magugunita na nagsampa ng kaso ang mga deboto ng Itim na Nazareno laban kay Vega dahil sa umano’y paglabag sa Revised Penal Code Article 201, na nagpapataw ng parusa para sa “immoral doctrines, obscene publications and exhibitions, and indecent shows.”

Siya ay nahaharap sa tatlong iba pang reklamo sa Quezon City at dalawa sa National Bureau of Investigation.

Ayon kay Rod Singh, tutuklasin ng mga abogado ni Pura ang mga remedyo upang muling buksan ang paunang pagsisiyasat sa antas ng prosecutor, mapawalang-bisa ang reklamong inihain laban sa kanila, at hamunin ang Binagong Kodigo Penal na Artikulo 201 (2)(b)(3) bilang labag sa konstitusyon.

Sa panayam, sinabi ni Vega na nasorpresa sila nang isilbi ang warrant of arrest noong Miyerkules dahil hindi sila nakatanggap ng subpoena mula sa korte.

Inulit din ng kampo ng drag queen na ang kanilang “Ama Namin” na pagtatanghal ay hindi sinadya upang lapastanganin ang mga mananampalataya.

Suportado naman ng Philippine drag community si Vega at nanawagan ang kanyang kampo para sa donasyon na kailangan para sa kanyang piyansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleTrangkaso, COVID cases tumataas ngayong tag-ulan – DOH
Next articleS. Korea nagbukas ng caregiver, factory worker jobs para sa OFWs