Oriental Mindoro – Hindi na welcome sa probinsyang ito ang drag queen na si Pura Luka Vega.
Sinabi ni Provincial board member Roland Ruga sa Philippine News Agency (PNA) sa isang email na bumoto ang katawan para ideklarang persona non grata si Vega, na ang tunay na pangalan ay Amadeus Fernando Pagente.
Aniya, naipasa ang resolusyon sa ika-53 sesyon ng 11th Sangguniang Panlalawigan (SP) nitong Martes.
Ang panukala ay inihain sa SP noong Agosto 24 ni Calapan City Councilor Rhona Leachon, na nakaupo sa board bilang presidente ng League of Councilors.
Sinabi ni Ruga na nakatanggap din ang provincial board ng liham mula kay Gobernador Humerlito Dolor na humihiling na ideklarang hindi katanggap-tanggap si Vega sa Oriental Mindoro bilang pagsasaalang-alang sa kanyang pagtatanghal sa entablado sa isang bar na nakita ng maraming Katoliko na lubhang nakakasakit.
Sa ngayon, idineklarang persona non grata ang drag queen sa 15 probinsya at kabisera ng Maynila. RNT