MANILA, Philippines – Isang panukala na nagsusulong na mabigyan ng 20 percent discount ang mga Public Utility Vehicle(PUV) Drivers sa pagkuha ng requirements sa drivers license ang isinusulong ng ilang mambabatas sa Kamara.
Sa ilalim ng House Bill 8070 nina Davao Rep Paolo Duterte, ACT CIS Partylist Rep Edvic Yap at Benguet Rep Eric Yap ay bibigyan ng diskuwento ang PUV drivers sa mga payment fees gaya ng sa examination fees, certificates, clearances at enrollment sa accredited driving schools.
Ipinaliwanag ni Duterte na karapat dapat ang ganitong diskuwento lalo na harap ng ipinatutupad na PUV Modernization Program kung saan maraming dagdag na requirements ang hinihingi ng Land Transportation Office (LTO) para sa professional drivers’ license na tiyak na dagdag pasanin para sa mga drivers.
Ilan sa requirement sa pagkuha ng drivers license ay medical certificate, National Bureau of Investigation (NBI) o police clearance at driving lessons mula sa Technical Education and Skills at nasa 430,000 PUV drivers ang apektado nito.
“Without the discount, estimates place the total cost of these requirements between P4,000 to P7,000″paliwanag ni Duterte kung saan hindi pa umano kasama dito ang gastusin sa pamasahe lalo na kung ilang araw ang driving lessons na kailangang kumpletuhin.
Aminado ang mambabatas na karamihan din sa mga driver ang nahuhuli sa pagrenew ng kanlang lisensya dahil sa ganitong gastusin kaya malaking tulong ang makukuhang discount.
Sinabi ni Duterte na kasama din sa panukala ang pagbibigay prayoridad sa mga PUV drivers sa pag-enrol sa driving schools.
Sa oras na maisabatas ang sinumang hindi magbibigay ng diskuwento ay papatawan ng multa na mula P5,000 hanggang P20,000. Gail Mendoza