Home HOME BANNER STORY PUV modernization uusad pa rin sa kabila ng kilos-protesta – LTFRB

PUV modernization uusad pa rin sa kabila ng kilos-protesta – LTFRB

MANILA, Philippines – Magpapatuloy gaya ng unang naiplano ang iba pang “phases” ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa kabila ng mga kilos-protesta at tigil-pasada ng ilang transport groups, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Lunes, Enero 15.

Sa panayam ng GMA News, sinabi ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na ang pamahalaan ay may blueprint na ng PUVMP mula pa noong 2017, at ang implementasyon nito ay mas mahalaga ngayon lalo na’t nagtapos na ang submission of applications ng mga PUV operator para makapag-consolidate.

“We remain firm with our stand na tapos na po ang consolidation and we will proceed with the other phases ng modernization. This is a 10-phased program na nagsisimula sa consolidation. ‘Yung pangalawa will be the operationalization,” ani Guadiz.

“Matagal pa naman ang sinasabi nilang phaseout. Ang hinihiling lang namin ay bilang panimula ay bumuo sila ng mga asosasyon para maayos natin ang sistema ng pampublikong sasakyan sa Pilipinas.”

Nitong Linggo, Enero 14, inanunsyo ng grupong MANIBELA na magkakasa ito ng transport protest bukas, upang himukin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik ang mga prangkisa ng mga drayber at operator na hindi nakapag-consolidate.

Ani MANIBELA chairman Mar Valbuena, umaasa silang diringgin sa Kongreso ang naturang isyu at irerekomenda kay Marcos na palawigin ang validity ng kanilang mga prangkisa.

“Hindi makatwiran ang pag-revoke sa aming mga prangkisa. Lumabas sa pandinig na paulit-ulit nating sinasabi na labag ito sa batas. Saang probisyon doon sa aming mga prangkisa na kami ay ire-revoke kapag hindi magko-consolidate?” tanong ni Valbuena.

Para naman sa pamahalaan, sinabi ni Guadiz na may inihanda silang rescue buses para sa mga commuter na mahihirapang makasakay sa oras na hindi na tuluyang papayagang bumiyahe ang mga traditional jeepneys.

“‘Yung sinabing madaming pasaherong maapektuhan, walang katotohanan ‘yan,” anang opisyal.

Nitong Linggo rin, umapela ang Office of Transportation Cooperatives sa mga PUV operator at drayber na bigong makapag-consolidate na huwag nang bumiyahe simula Pebrero 1 upang hindi na magkaproblema pa sa mga awtoridad. RNT/JGC

Previous articleAnak ni Iza, na-dengue!
Next articlePinoy speed skater Groseclose sasabak sa Winter Youth Olympics