
Lumagda ng kasunduan sa pamamagitan ng memorandum of agreement (MOA) ang lokal na pamahalaan ng Parañaque at dalawang kumpanya ng restaurant para makapagbigay ng trabaho sa mga senior citizens at persons with disability (PWDs) sa lungsod.
Naganap ang paglagda ng pakikipagkasunduan ni City Mayor Eric Olivarez sa Peri-Peri Charcoal Chicken and Sauce Bar at sa Shakey’s Pizza Asia Ventures, Inc. sa Mayor’s Office nitong Mayo 18.
Ang Peri- Peri Charcoal Chicken and Sauce Bar ay inirepresenta ni WOW Brand Holdings Inc. Operations Manager Michael Marcelo habang lumahok din sa paglagda ng kasunduan siShakey’s Pizza Asia Ventures Inc. General Manager Jorge Ma. Querubin Concepcion.
Sinabi ni Olivarez na angkasunduan ng lokal na pamahalaan at ng dalawang restaurant companies ay naaayon sa City Ordinance No. 2023-094 na inapurbahan ng Sangguniang Panglungsod o City Council.
Ang paglagda ng kasunduan ay isa sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan para makapagtrabaho ang mga senior citizens at PWDs at manatiling produktibong miyembro ang mga ito sa lipunan.
Ayon kay Olivarez, kinikilala rin ng lungsod ang kapasidad at skills ng mga senior citizens and PWDs.
Base sa kanyang nilagdaang kasunduan, ang mga kwalipikadong senior citizens at PWDs ay maaaring magrabaho sa mga restaurant companies sa kanilang mga branch na matatagpuan sa Barangay San Martin De Porres.
Ang mga senior citizens na nasa 60-taong-gulang pataas na nais magtrabaho ay mabibigyan ng pagkakataon sa kanilang kakayahan sa dalawang restaurant companies gayundin ang mga indibidwal na pipi at bingi pagkakalooban din ng pagkakataong makapag-apply ng trabaho.
Sinabi rin ni Olivarez na kailangan lamang na ipasa ng mga mag-aaply na senior citizen at PWDs ang isasagawang physical, medical, at laboratory examinations mula sa Ospital ng Parañaque at magdala ng medical certificate na nagpapatunay na sila ay mga ‘fit to work.’