Home NATIONWIDE Quiboloy aarestuhin ‘pag inisnab subpoena – solon

Quiboloy aarestuhin ‘pag inisnab subpoena – solon

MANILA, Philippines- Papatawan ng contempt at aarestuhin si Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy kung hindi ito tatalima sa subpoena na ipinalabas ng Kamara, ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.

Ayon kay Pimentel, physical presence ni Quiboloy ang kailangan lalo at maraming tanong ang dapat nitong sagutin kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon sa paglabag sa legislative franchise ng Swara Sug Media Corporation, ang nag-ooperate ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Sa panig ni Parañaque Rep. Gus Tambunting, chairman ng House Committee on legislative franchises, kinakailangan nang i-subpoena si Quiboloy dahil hindi ito dumadalo sa pagdinig.

“We’ve invited Apollo Quiboloy 2 or 3 times in the past and he would not appear. He would always say ‘he’s not here, he’s not well, he’s abroad’…so the subpoena was issued,” paliwanag ni Tambunting.

Sakaling hindi muling dumalo sa nakaiskedyul na pagdinig sa Marso 12 si Quiboloy, sinabi ng komite na pag-aresto rito ang susunod na mangyayari.

“Magkakaroon ng contempt order. That would depend on the committee pero pwede siyang ipaaresto in case hindi siya mag-attend,” giit ni Tambunting.

Tumanggi din ang komite sa alok na ang mga mambabatas na magtungo sa Davao kung saan naroon si Quiboloy.

“Hindi puwede. We cannot give him special privilege,” sabi ni Tambunting.

Si Quiboloy ang may-ari ng SMNI.

Ang pagbawi sa legislative franchise ng SMNI ay base sa House Bill 9710 na inihain ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, ilan sa tinukoy na paglabag ng SMNI ay red-tagging, pagpapakalat ng fake news at walang basehang pag-aakusa sa ilang politiko na hindi kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Gail Mendoza

Previous articleSolon: Senado, Kamara nagkaroon ng ‘common ground’  sa Cha-cha
Next articleBarangay captain todas sa pamamaril!