Home OPINION QUIBOLOY VS HONTIVEROS, SINONG MAS MATIGAS?

QUIBOLOY VS HONTIVEROS, SINONG MAS MATIGAS?

ALAM n’yo bang binalaan ni Sen. Riza Hontiveros si Pastor Apollo Quiboloy na gagamitin ng una ang lahat ng paraan at kapangyarihan ng Senado upang mapadalo ang lider ng Kingdom of Jesus Christ sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa kasong pang-aabusong sekswal sa kababaihang mga miyembro nito?

Hindi kailangang magtago ni Quiboloy sa audio clip sa pagsagot sa mga kasong ibinubunyag laban sa kanya sapagkat igagalang ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang lahat ng kanyang karapatan bilang saksi at suspek sa imbestigasyon, ayon kay Hontiveros.

Sinabi pa ng senadora,  kahit pa gaano kalawak ang koneksyon at makapangyarihan si Quiboloy ay pipilitin siyang dumalo bilang saksi at handa ang mga mambabatas na gamitin naman ang kapangyarihan nito mapadalo lang ang pastor.

Maging ang dating miyembro ng Gabinete at dating Senate Presidente at mismong Presidente ay sumang-ayon na padalhan ng subpoena at dumalo si Quiboloy  bilang saksi.

Sa kanyang pagdalo bilang saksi ay igagalang ang kanyang constitutional rights, sabi pa ni Hontiveros.  Gayunman, may pasubali siya at iginiit na hindi mas mataas sa Presidente, Senate President lalo na sa batas si Quiboloy.

At nanindigan ang matapang na mambabatas na hindi siya natatakot na tumindig laban sa pang-aabuso ni Quiboloy sa kababaihan, bata o sinoman at higit sa lahat ay kailangan nitong managot sa batas kung totoo ang lahat ng sinasabi laban sa pastor.

Giit pa ni Hontiveros, “Sa kabilang banda, hindi po ako mangingiming tumindig laban sa mga nananakit ng kapwa maging  lalaki, babae, bata, at kahit kadugo, gaya nang hindi pangingimi ng Senado na magsalita laban sa mga mapanakit, mapang-abuso at tiwali.”

Para sa lady senator, kailangang magpakita sa Senado ni Quiboloy lalo pa’t tinawag nitong duwag ang testigong nakatakip ang mukha nang magsalita laban sa kanya.

Ipinagtanggol ni Hontiveros ang testigo at sinabing bagaman nagtakip ito ng mukha, nagsumite naman ito ng affidavit at hindi katulad ni Quiboloy na ilang beses na ipinatawag ng Senado subalit hindi sumisipot sa halip ay nagpadala lang ng audio clip.

Abangan ang bangayan. Sino kaya ang mas matibay?

Previous articlePosibilidad na magkabagyo sa Marso maliit lang – PAGASA
Next articleAYON SA MGA SARBEY