Home NATIONWIDE Random manual audit sinimulan na ng Comelec

Random manual audit sinimulan na ng Comelec

MANILA, Philippines – Sinimulan na ang random manual audit ng Commission on Elections kasama ang Philippine Statistics Authority (PSA) upang matukoy ang katumpakan ng mga vote counting machine na ginamit sa kamakailang barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Kasama sa RMA ang LENTE (Legal Network for Truthful Elections), PPCRV (Parish Pastroral Council for Responsible Voting), at Namfrel (National Citizens’ Movement for Free Elections).

Tatlong ballot boxes na random na pinili, isa mula sa bawat isa sa tatlong site para sa pilot test ng mga automated polls ang sinusuri.

Sinusuri ng mga nagbeberipika o verifiers kung ang bilang ng mga boto sa election receipts ay magtutugma sa bilang ng boto sa balota.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na dito malalaman kung epektibo, at tumpak ang mga makina na ginagamit sa araw ng eleksyon.

Idinagdag ni Atty. Helen Maureen Graido ng LENTE na hindi nila intensyon na kumpirmahin ang resulta ng pagsasagawa ng RMA.

Aniya, kung may pagkakaiba sa pagbasa ng boto sa pagbasa ng makina, i-rereport ito sa mismong resulta ng Random Manual Audit.

“So ang pinapa-action niya is really for notification,” ani Graido.

Ayon kay Garcia, ang pagkakaiba sa boto ay maaaring maging batayan para sa paghahain ng protesta sa halalan.

Samantala, sa paghahanda para sa 2025 midterm elections, nagsagawa ang Comelec ng pre-bid conference kung saan ang mga potensyal na bidder ay nakapagtanong tungkol sa kontrata para sa automated election system.

Isa sa mga bagay na kailangang ibigay ay ang mga bagong makina na papalit sa mga vote counting machine.

Tatlong kompanya ang bumili ng bidding documents kabilang rito ang Smartmatic, Miru Systsems, Co.Ltd at Pivot International.

Ang petisyon para idiskwalipika ang Smartmatic para lumahok sa 2025 elections na inihain ng grupo ni dating DICT Acting Sec. Eliseo Rio Jr., ay pinag-iisipan pa rin ng Comelec en banc.

Umaasa si Garcia na mas marami pang kompanya ang makikilahok sa bidding para mas maganda at marami aniyang pagpipilian.

Nakatakda ring mag-organisa ang poll body ng Comelec Advisory Council sa susunod na linggo na pangungunahan ni DICT Secretary Ivan Uy. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleTolentino: Food stamp program, palawakin
Next articleP280K shabu nasabat sa Calooccan