MANILA, Philippines – Arestado ang isang security guard na wanted dahil sa kasong panggagahasa matapos maaresto ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong akusado bilang si Samuel Alojado Jr, 32, security guard at residente ng 162 Asistio St., Barangay 88, Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nagsagawa ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan police sa pangunguna ni P/Maj. Jeraldson Rivera ng manhunt operation kontra wanted persons.
Hindi na nakapalag si Alojado nang palibutan siya ng mga operatiba ng WSS sa kahabaan ng A. Mabini St., Barangay 17, Caloocan City, dakong alas-3:50 ng hapon nitong Biyernes, Agosto 25.
Ani Maj. Rivera, si Alojado ay inaresto nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Barbara Aleli Hernandez Briones, Presiding Judge ng FC Branch 1, Caloocan City noong Agosto 22, 2023 para sa kasong Rape.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Caloocan police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. Rene Manahan