MANILA, Philippines – Maghahain ang Makabayan bloc ng panukala para i-rationalize ang joint circular hinggil sa mga guidelines sa paggamit at pag-uulat ng confidential at intelligence funds.
Sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa panayam ng CNN Philippines, na tinutukoy nito ang paghahain sa Joint Circular No. 2015-01, o ang mga alituntunin sa entitlement, release, paggamit, pag-uulat, at audit ng kumpidensyal at/ o confidential fund.
“The Makabayan bloc is drafting now a proposal, a proposed law so that there would be a cap, there would be a limit, ma-rationalize ito at magkaroon ng more transparency and accountability in using the confidential and intelligence funds,” ayon pa ng solon.
Sinabi ng mambabatas na ito ay magiging “improved version” ng joint circular, na plano nilang ihain sa Nobyembre. Gayunpaman, hindi niya binanggit ang mga partikular na detalye tungkol sa kanilang panukala.
Ang nasabing hakbang ay matapos na himukin ni Castro ang Commission on Audit na imbestigahan ang umano’y ₱2.697-billion confidential funds ng Davao City sa nakalipas na anim na taon, noong si Bise Presidente Sara Duterte ang alkalde nito.
“Imagine more than a million a day spent for the confidential fund in a city, so I just wonder how at saan ito ginastos,” anang mambabatas.
“We want the COA to review if the city gobyerno ng Davao City sa pangunguna ni Vice President Sara Duterte noon ay talagang sinunod nila ang guidelines.”
Sinabi niya na ang pondo ay dapat na ginamit para sa iba pang “mabungang pagsisikap” tulad ng mga allowance para sa mga guro sa Davao City. Sinabi ni Castro na tinanggihan ni dating Mayor Duterte ang panawagan ng mga guro para sa allowance sa lungsod. RNT