MANILA, Philippines- Pinalagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ulat na nagla-lobby diumano siya sa Senado para maratipikahan ang magiging partisipasyon ng Pilipinas sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Ito’y sa kabila ng mga concerns ukol sa posibleng maging epekto ng regional mega free trade deal sa local agriculture sector.
Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Marcos na matigas ang kanyang paninindigan na itulak ang RCEP subalit hindi aniya darating sa punto na kailangan pa niyang mag-lobby sa Senado.
“I’m not lobbying it. I’m waiting for it to be [ratified]… It’s necessary. If you think about it, we are the only ones left na hindi pa napag-ano [ratify] ng RCEP,” ayon sa Pangulo.
Aniya pa, ang Pilipinas, kapag hindi niratipikahan ang RCEP, ay “leaving ourselves out there, isolating ourselves from the free trade zone that ASEAN [Association of Southeast Asian Nations] is.”
“So sayang naman ‘yung opportunity. That’s why I think RCEP will be a good thing. I think time will prove, yeah, time will prove that it is a, it is to our advantage,” ayon sa Chief Executive.
Kamakailan, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) sa ipinalabas nitong kalatas na itinutulak ng Pangulo ang ratipikasyon para sa free trade agreement.
Unang lumutang noong Agosto 2012, ang RCEP ay kinabibilangan ng 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), kasama ang China, Japan, South Korea, Australia, at New Zealand.
Inaprubahan ito ng nakalipas na administrasyon noong Setyembre ng nakaraang taon at dinala sa Senado para sa ‘concurrence.’
Bago pa umupo sa puwesto, nagpahayag na ang Chief Executive ng kanyang reserbasyon ukol sa RCEP, sabay sabing nais niyang makita kung paano ito makaaapekto sa sektor ng agrikultura. Kris Jose