Home OPINION RD NARTATEZ GALIT SA ABUSADO, LUBOG NA PULIS

RD NARTATEZ GALIT SA ABUSADO, LUBOG NA PULIS

HINDI lang sa mga pulis na abusado sa kanilang puwesto galit si National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. subalit galit din siya sa mga pulis na hindi nagtratrabaho pero sumusuweldo.

Naunang nagbabala si RD Nartatez sa mga pulis sa kanyang nasasakupan na umaabuso sa paggamit ng search warrant tulad ng 10 pulis na nakatalaga sa Southern Police District na nag-raid sa isang condominium sa Parañaque noong nakaraang taon.

Sinibak na sa serbisyo ang mga pulis matapos mapatunayang umabuso sa kanilang tungkulin kaya naman ang pagkasibak sa mga ito ay dapat magsilbing babala sa pulis na may ganitong gawain.

Para sa kaalaman ng nakararami, galit din si RD “Tateng”, palayaw ng NCRPO chief, sa mga pulis lalo na sa mga hepe ng unit o section na nagbibigay proteksyon sa mga tauhan niya na hindi pumapasok pero tumatanggap ng sweldo mula sa gobyerno.

Eh bakit nga ba binibigyang proteksyon ng hepe ng dibisyon, unit o section ang mga pulis niyang hindi naman pumapasok sa trabaho o yung tinatawag na “lubog” o “15-30” ? Kasi nga ang laban nila ay hatian sa sahod.

Wow! Eh kung ang isang hepe ng unit tulad ng isa sa limang distrito sa NCRPO ay tumatanggap ng P3,000 hanggang P5,000 (maliit nga ito) bawat kinsenas at katapusan  sa anim hanggang sampung pulis, aba eh ‘di tiba-tiba ang hepe na ito.

Ang masaklap lang eh kung kahati pa niya ang mas mataas sa kanya, medyo liliit ang panggastos niya sa kanyang pamilya na pinakakain niya mula sa kanyang pagiging “malasado”.

Pero ang mga ganitong gawain ay malapit na pumutok dahil nagpapaimbestiga na si Gen. Nartatez kaugnay sa mga sindikato ng mga mismong opisyal na nasa nasasakupan niya.

Matagal nang tinatanggal ng Philippine National Police ang  sindikato ng |”15-30” sa kanilang organisasyon subalit talagang mayroong matitigas ang mukha at sikmurang mga pulis na ang ipinakakain at ibinibigay na luho sa kanilang pamilya (asawa at anak) ay galing sa kalokohan.

At lalong galit ang RD ng NCRPO sa mga pulis na nang-aapak ng kanyang kapwa. Kasama sa NCRPO 7 Point Agenda ni MGen Nartatez ang pagbibigay halaga sa “Morale and Welfare of the Personnel” sapagkat ang mga ito ang kanyang kaisa sa pagtupad sa tungkulin na magbigay ng kaayusan at kapayapaan sa komunidad.

Dapat mabatid ni RD na may isang district na nasisindikato ng tauhan ng dating district director  sapagkat swapang ito sa kapangyarihan. Karamihang ng kanyang kaklase na batid niyang makakalaban niya sa pwesto, o ang sinomang tauhan na hindi sumusunod sa tiwali niyang kagustuhan, ay ginagawaan niya ng kwento upang hindi na makahadlang sa kanyang masalimuot at iligal na gawain.

Dapat pumasok sa isip ng mga pulis na abusado, lubog sa trabaho at nang-aapak ng kanyang kapwa pulis na ang lahat ay may hangganan. Hindi habambuhay ay nasa posisyon kayo at may kapangyarihan.

Si Gen. Nartatez na ang sagot sa dalangin ng mga nabiktima ng mga ganitong klaseng pulis. Sabi nga niya, hinding-hindi niya kokonsintihin ang anoman uri ng katiwalian at pang-aabuso ng sinomang miyembro ng pulisya.

Kaya humanda na ang mga hepe o sinomang miyembro ng NCRPO na gumagawa ng katiwalian sapagkat haharapin kayo ni RD Tateng ng buong tapang dahil ayaw na ayaw niyang namamantsahan ang imahe ng PNP na napakatagal na niyang pinagsisilbihan at pinakaiingatan ang pangalan.

 

Previous articlePHILHEALTH, NAGLABAS NG P257.6 MILYON, PAUNANG PONDO PARA SA KONSULTA
Next articleLAWMAN NOON, LAW BREAKER NGAYON!