MANILA, Philippines – MATATAPOS sa Setyembre ang ginagawang reassessment ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa press briefing sa Malakanyang na may 700,000 pamilya ang ni-reassess upang makita kung kailangan na ikonsidera pa ang mga ito bilang mahirap at maging benepisaryo ng cash assistance program ng gobyerno.
“So ongoing iyong reassessment ngayon at matatapos iyan ng September para talagang masigurado natin na masala natin nang mabuti iyong dapat kasama sa 4Ps program, kasama sa program – iyong dapat hindi na kasama sa program, hindi na kasama sa program,” ani Gatchalian.
“Sinigurado lang natin talagang na… like I said, na nafi-filter nang maayos. Pero come end of September, tapos na iyong reassessment na iyon and then what we can do next is now start paying them. At mabilis naman sa department dahil nga naka-cash card naman ‘yang mga ‘yan – once the fund is obligated, disburse kaagad iyon,” dagdag na wika nito.
Matatandaang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DSWD na ituloy ang pag-calibrate sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at pagbuo ng iba pang social protection initiatives ng gobyerno.
Nanawagan si Marcos sa ahenysa na ipagpatuloy din ang pagpapatupad sa Unconditional Cash Transfer program upang makapagbigay ng cash grants sa mahihirap na households at indibidwal.
Maliban dito, pina-iigting din ng Punong Ehekutibo ang Social Pension Program para sa mga Indigent Senior Citizens bilang paraan para matugunan ang kanilang araw-araw na pangangailangan at medical needs.
Samantala, kinilala naman ng Pangulo ang mga hakbang ng DSWD sa pagbawas sa kahirapan at gutom, maging ang pagkamit sa upper-middle income status sa 2025. Kris Jose