MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang reassignment sa halos 3,000 pulis na may mga kapamilya o kamag-anak na tatakbo sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Sa pahayag nitong Miyerkules, Setyembre 27, sinabi ni Acorda na layunin ng hakbang na panatilihin ang integridad at pagiging patas sa nalalapit na halalan.
Ito ay kasunod ng masusing pagsusuri sa personnel records at candidate declarations na nagpapakita na nasa kabuuang 2,956 PNP personnel ang may kamag-anak hanggang sa “fourth degree of consanguinity and affinity” na tumatakbo sa halalan.
Ani Acorda, ang mga ito ay inisyuhan na ng reassignment orders sa non-election related duties at iiral hanggang sa matapos ang eleksyon.
“To uphold the trust of the people, it is crucial that we act with utmost integrity, neutrality, and dedication to the law,” sinabi ni Acorda.
Samantala, sinabi ng PNP chief na nakikipag-ugnayan na sila sa Commission on Elections kaugnay sa naturang hakbang.
Sa ilalim ng election laws, ang reassignment o detail ng PNP personnel ay ipinagbabawal kasabay ng BSKE period o mula Agosto 28 hanggang Nobyembre 29.
“The PNP is duty-bound to ensure a fair and unbiased election. We are committed to upholding our role in ensuring a peaceful and transparent electoral process,” pagtatapos ni Acorda. RNT/JGC