Home METRO Rebeldeng taga-Maynila patay sa engkwentro ng militar sa Cagayan

Rebeldeng taga-Maynila patay sa engkwentro ng militar sa Cagayan

GONZAGA, Cagayan – Patay ang isang rebelde o New Peoples Army (NPA) na taga-Maynila sa engkwentro sa pagitan ng New People’s Army (NPA) at militar sa Sitio Laoc, Barangay Pateng, Gonzaga, Cagayan.

Ayon kay Capt. Judd Escubio, ang CMO Officer ng 502nd Infantry Brigade, nakilala ang nasawing NPA na si Gerald Pariddog o mas kilala sa kanilang kilusan sa tawag na “Ka Daloy” na tubong Maynila.

Ang kanyang pagkakakilanlan ay sa tulong ng mga kasamahan na nagbalik-loob na sa pamahalaan.

Sa ngayon, nakahimlay na ang kanyang mga labi sa isang punerarya sa bayan ng Gonzaga, Cagayan at kung walang kukuhang kaanak o kapamilya sa loob ng limang araw ay bibigyan na ito ng disenteng libing sa pampublikong sementeryo ng bayan ng Gonzaga.

Magugunita na nitong Biyernes, habang nagsasagawa ng focus military operations ang mga kasundaluhan sa Sitio Laoc, Brgy. Pateng sa bayan ng Gonzaga ay may isang residente ang lumapit sa mga tropa at isinumbong ang kinaroroonan ng mga NPA.

Nagresulta ito sa muling pagsiklab ng engkwentro sa pagitan ng mga teroristang NPA na tinatayang nasa higit kumulang 17 na rebelde at kasundaluhan ng 502nd IB na tumagal lamang ng sampung minuto.

Matapos ang sagupaan ay narekober ng militar ang bangkay ni alyas Ka Daloy na posible umanong iniwan na lamang ng kanyang mga kasamahan.

Ayon pa kay Capt. Escubio, ang mga nakalabang NPA ay mga nalalabing miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV) na pinamumunuan ni Edgar M Arbitrario na mula pa sa Mindanao.

Pinaliwanag ni Capt. Escubio na naghihintay sa lugar ang mga NPA sa pagdating ng kanilang mga hininging supply gaya ng mga pagkain nang sila’y maabutan ng mga kasundaluhan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang hot pursuit operations ng kasundaluhan laban sa mga nakalabang rebelde. Rey Velasco

Previous articleBong Go: SK breeding ground para sa current at future leader
Next articleSanggol patay sa sunog sa Bohol