MANILA, Philippines – Malapit nang makumpleto ang reconstruction ng mga pampublikong imprastruktura, anim na taon makalipas ang pananakop ng Islamic State-inspired militants sa Marawi City.
“Sa ngayon po kung ang pag-uusapan natin yung ating mga public infrastructures ay…halos patapos na rin po itong mga proyekto na ito na in-implement ng ating gobyerno,” sinabi ni Mayor Majul Usman Gandamra sa panayam ng TeleRadyo.
“Yan ho talaga ang missing link. Nakikita natin na ine-engganyo natin ang ating mga kababayan na magsimula na pong magpaayos o magpagawa ng kanilang mga bahay dito ho sa loob ng ground zero.”
Sa ngayon ay kakaunti na lamang ang mga residenteng tumutuloy sa mga temporary shelter sa lungsod.
Aniya, makatatanggap na rin ang mga residente ng kompensasyon na magagamit nila upang makapagpatayo o makapagpaayos ng kanilang tahanan na pasok sa ilalim ng Marawi Compensation Law.
Sinabi pa ni Gandamra na nakapaghain na ng kani-kanilang requirements ang mga residente ng Marawi, at ipinoproseso na ang kanilang claims.
Sa kabila nito, idiniin naman niya an kailangan pa rin ng pondo para maipatupad ang batas na ito.
“Yan ho ang kulang. Para mapabilis, yan po ay nasa ating national government dahil kailangan po ang pondo. Yan po ang napakaimportante,” pagtatapos ng alkalde. RNT/JGC