MANILA, Philippines- Nagsimula na ang recruitment process para sa ikalawang batch ng police applicants mula sa dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng Moro National Liberation Front (MNLF) , ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Huwebes.
Binista ni DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang personal na saksihan ang event.
Sa isang seremonya sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PROBAR) sa Camp Pendatun sa Maguindanao del Norte, hinikayat ni Abalos ang MILF at MNLF applicants “to become beacons of lasting peace and security in their region.’’
“We all share the dream of lasting peace and sustainable progress in Mindanao. Once na pumasa kayo, kayo na ang simbolo ng peace talks. Kayo na ang simbolo ng BANGSAMORO at ng Republika ng Pilipinas at PNP. At kayo ang tatayo sa inyong mga lugar to ensure that there is indeed peace, kapayapaan at katahimikan,” ani Abalos.
Base ang recruitment sa National Police Commission (NAPOLCOM) Resolution No. 2023-0380, na inaaprubahan ang rekomendasyon ng PNP na maglaan ng 400 slots sa recruitment nito para sa mga dating miyembro ng MILF at MNLF.
Saklaw ang pagpasok ng ex-MILF at MNLF members sa PNP ng Republic Act (RA) 11054 o ang Organic Law for BARMM, na ipinatupad matapos ang paglagda ng peace agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF.
Personal na sinaksihan ni Abalos ang 44 MNLF/MILF applicants na sumailalim sa three-kilometer run bilang bahagi ng Physical Agility Test (PAT) habang 649 naman ang sumailalim sa Psychological and Psychiatric Exam (PPE).
Gayundin, hinikayat ni Abalos ang 102 newly appointed PNP patrolmen mula sa unang batch ng MILF/MNLF applicants na magsikap sa 24-week rigorous Police Safety Basic Recruitment Course sa police science administration, combat operations, at tactics. RNT/SA