Home NATIONWIDE ‘Register Anywhere’ ikakasa ng Comelec sa buong bansa

‘Register Anywhere’ ikakasa ng Comelec sa buong bansa

MANILA, Philippines- Nakatakdang magpatupad ang Commission on Elections (Comelec) ng Register Anywhere Program (RAP) sa buong bansa sa muling pag-arangkada ng voter registration period sa Pebrero 12.

Sinabi ng Comelec na tatanggapin ng RAP ang mga aplikasyon sa lahat ng capital cities at bayan at highly urbanized cities (HUCs).

“RAP registration sites will be set up in malls, universities, or government offices/agencies in all capital cities and towns and HUCs nationwide. RAP has now been institutionalized in the Commission as a program owing to its favorable turnout and positive reception by the general public and other stakeholders,” dagdag ng Comelec.

Noong 2022, nagsagawa ang poll body ng pilot testing ng RAP sa piling lugar kabilang ang malls at government agencies.

Ang inisyal na testing ay ginanap sa SM Fairview, Robinsons Place Manila, SM Sucat, Robinsons Galleria, SM Mall of Asia, Robinsons Tacloban, SM City Legazpi at Robinsons Naga.

Bukod sa nasabing mga venue, sinabi ng Comelec na ang programa ay gaganapin din sa piling church organization, private establishments, government agencies at educational institutions.

Nilalayon ng RAP na magbigay ng mga karagdagang paraan at pagkakataon para sa pagpaparehistro ng mga botante sa mga lugar na mas mataas ang konsentrasyon ng trapiko ng mga tao at kongregasyon ng mga taong nasa wastong edad para bumoto.

Tatakbo ang RAP hanggang Agosto 31.

Samantala, maglalabas si Comelec Chairman George Gracia ng  amended guidelines sa voter registration.

Pinaalalahanan nito ang aplikante na hindi na sila tatanggap ng company ID bilang valid identification document.

Handa ang mga lokal na tanggapan ng Comelec na tumanggap ng aplikasyon para sa rehistrasyon at iba pang alalahanin na may kinalaman sa halalan mula Pebrero 12 hanggang Setyembre 30, mula alas-8 ng umaga hanggang hapon.

Kabilang dito ang mga pista opisyal, maliban kung ipahayag ng poll body na walang mga aktibidad sa pagpaparehistro sa mga araw na iyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePasahero nawalan ng malay sa kawalan ng oxygen sa eroplano
Next article28 pang OFW galing Israel balik-Pinas na