Home NATIONWIDE Regularisasyon ng barangay tanod, health workers, suportado sa Senado

Regularisasyon ng barangay tanod, health workers, suportado sa Senado

MANILA, Philippines – Sinuportahan ni Senator Raffy Tulfo ang panukalang naglalayong gawing regular ang termino ng lahat ng opisyal ng barangay kabilang ang barangay tanod at barangay health workers sa buong bansa.

Base sa ginanap na pagdinig, sinabi ni Tulfo na kailangan matiyak na maibigay ang tamang sahod at benepisyo sa kanilang serbisyo.

“Ang mga barangay health worker at mga barangay tanod, halos wala po silang sweldo. Umaasa lang sa allowance na ilaan sa kanila. Wala pa yatang P500, na hindi po kayang bumuhay ng pamilya, despite the fact na sila ang may pinakamahirap na trabaho,” ayon kay Tulfo sa ginanap na joint hearing ng ilang komite na dumidinig sa ilang panukalang batas para sa sahod, benepisyo at security of tenure ng barangay workers.

“Kapag halimbawa, may bagong chairman na pumasok o bagong mayor, pwedeng palayasin yan o si barangay health worker. They’re at the mercy of the sitting barangay chairman or mayor. Dapat mahinto na yan, dapat ma-regular na sila,” aniya.

Pinaboran naman ni Senator JV Ejercito, ang panawagan na bigyan ng kaukulang kumpensasyon ang lahat ng village officials just compensation. Pero, ikinalungkot din nito ang kakapusan ng pondo.

Ayon sa pagtataya ng Department of Finance (DOF), kailangan ng gobyerno ang mahigit P196 billion kada taon upang pondohan ang regularization ng village officials.

“It will be nice to give them these benefits. They are our foot soldiers after all. Kaya lang, we have to balance kung kaya natin given the reality that yung fiscal space natin is still very limited… We will find solutions,” ayon kay Ejercito.

Sa naturang pagdinig, nanawagan din si Liga ng Mga Barangay National President Eden Chua-Pineda na bigyan ng insurance at retirement benefits ang lahat ng elected at appointed village officials.

“Kasi po dini-disallow ng COA (Commission on Audit). There’s no legal basis daw for us to give money to GSIS (Government Service Insurance System) para po sa pension,” ayon kay Chua-Pineda.

Ipinaliwanag naman ni GSIS’ Assistant Chief Legal Counsel Atty. Lucio Yu, sa naturang pagdinig na walang regular na sahod ang barangay officials kaya hindi sila sakop ng GSIS.

Ayon kay Yu, payag silang makipagtulungan sa mambabatas at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa paglikha ng retirement system para sa barangay officials hangga’t tiyak ang pagkukunan ng pondo at pangailangan ng badyet.

Kasabay nito, ibinasura naman ng kinatawan ng Department of Finance at Bureau of Internal Revenue ang panukalang exemption ng village officials sa pagbabayad ng VAT.

“We oppose this provision of tax exemption because it can diminish the revenue that the national government may otherwise collect. Second, it will be in violation of the principle of uniformity and equality in taxation,” ayon kay Atty. Edgar Reyes II ng Bureau of Internal Revenue. Ernie Reyes

Previous article8 ‘gang 11 bagyo inaasahan sa kabuuan ng 2023
Next articlePagtatayo ng istruktura sa Ayungin Shoal, pinapopondohan sa 2024 budget