Home NATIONWIDE Regulasyon sa AI isinusulong sa Kamara

Regulasyon sa AI isinusulong sa Kamara

MANILA, Philippines – Isinusulong ng isang kongresista ang regulasyon sa artificial intelligence upang maiwasan na maagaw nito ang mga trabaho na para sa mga tao.

Inihain ni Quezon City 1st District Rep. Juan Carlo Arjo Atayde ang House Bill 9448 na magbabawal sa mga employer na gumawa ng desisyon mula lamang sa rekomendasyon o resulta ng artificial intelligence o automation systems.

Layon din nitong ipagbawal na palitan ang human workers, na magreresulta sa displacement, pagkawala ng security of tenure, o bawas sa kasalukuyang sahod o benepisyo dahil sa paggamit ng AI at automation technologies.

“There is a fear that the use of AI will result in displacement by substituting human workers who will then lose their jobs,” saad sa explanatory note ni Atayde.

Ani Atayde, ang panukala ay magbibigay ng regulasyon sa paggamit ng artificial intelligence at automation systems. Layon din nitong paunlarin pa ang labor augmentation sa tulong ng AI, basta’t mayroong polisiya para rito.

“It is important to create a clear framework on the use of AI to minimize the chances of discrimination. The government should set forth policies in welcoming the adoption of new technologies such as artificial intelligence that would augment human intelligence and skills without destroying or replacing jobs,” dagdag pa ni Atayde.

Pagbabawalan sa panukala ang mga employer o recruiter na tumanggap o mag-alis ng empleyado dahil sa AI o automated systems.

Hindi naman sakop ng panukala ang mga industriya o posisyon na kailangan ang AI o automation technologies para sa kaligtasan, efficiency at overall benefit ng lipunan.

Ang mga employer na magpapatupad ng AI o automation technologies na magreresulta sa pagkawala ng trabaho ay binibigyang-mandato na magbigay ng tulong sa mga apektadong human worker.

Ang sinumang lalabag kung maisasabatas ang panukala ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon. RNT/JGC

Previous article‘Pugot’ na ulo ni Kiko, nag-trending!
Next articleKanseladong flights ngayong Miyerkules, Disyembre 27, 2023