Home NATIONWIDE Rehabilitasyon ng Paliwan Bridge sa Antique pinabibilisan ni PBBM

Rehabilitasyon ng Paliwan Bridge sa Antique pinabibilisan ni PBBM

MANILA, Philippines – INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Western Visayas na agad na isailalim sa rehabilitasyon ang Paliwan Bridge sa Antique, na nasira ng Tropical Storm Paeng noong nakaraang taon.

Lumalabas kasi ngayon na naka-isolate ang lalawigan mula sa nalalabing lugar sa Panay Islands.

“Nabanggit ko na po ito sa inyo noong 2022, ngunit uulitin ko na kailangang gawing prayoridad at madaliin ang rehabilitasyon ng Paliwan Bridge. Inaatasan ko ang Public Works ng Region VI na pagtuunan (ng pansin) para agarang magka-aksyon na dito sa pag-ayos at pagbuo nitong programa,” ayon kay Pangulong Marcos sa isinagawang rice distribution event sa lalawigan.

“[Inyo] pong madaliin ngunit dapat tiyakin ding matibay at hindi sub-standard ang pagkakagawa ng mga imprastraktura natin,” dagdag na wika nito.

Ayon sa Pangulo, tututukan ng kanyang pamahalaan ang pagtatayo at pag-rehabilitate sa mga pangunahing imprastraktura upang ang agricultural products ay madaling makaabot sa mga pamilihan at trading centers, para matiyak ang food security.

Sa ulat, dahil sa Tropical Storm “Paeng” nasira ang dalawang pangunahing tulay sa Antique.

“A section of Paliwan Bridge, connecting Laua-an town in the north and Bugasong town in the south, collapsed due to rampaging water,” ayon sa ulat.

“The weather disturbance also severely damaged Oyungan Bridge, which is Antique’s gateway to Iloilo province through the Iloilo towns of Miag-ao and San Joaquin,” ayon pa rin sa ulat.

Samantala, nanawagan naman ang Pangulo sa publiko at sa mga mamamayan ng Antique na tulungan ang gobyerno sa paglaban sa korapsyon partikular na ang rice smuggling at hoarding.

“Iniimbitahan ko naman  ang buong sambayanang Pilipino—kasama kayong mga taga-Antique—na maging mapagmatyag at maging katuwang [ng] pamahalaan sa pagsugpo sa mga salot at [mapagsamantala] sa lipunan,” ayon sa Chief Executive.

“Mas magiging malakas ang ating puwersa kung sama-sama tayong kikilos tungo sa mas masagana, panatag, at matatag na kinubukasan nating lahat.”aniya pa rin.

Winika pa nito na namamahagi ang pamahalaan ng mga nakumpiskang bigas ng Bureau of Customs (BOC), bahagi ng hakbang ng gobyerno sa paglaban sa smuggling at hoarding.

Sinabi pa ng Pangulo na nakikipag-ugnayan na ito sa Kongreso para i-criminalize ang agricultural economic sabotage at maging ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga offenders bilang “form of deterrent.”

“Kaya magsilbi itong babala sa mga smuggler, sa mga hoarder, at sindikato diyan. Nasa Bagong Pilipinas na tayo! Hindi na lulusot ang inyong mga lumang estilo. Hindi na puwede ang inyong mga kalokohan ngayon!” aniya pa rin. Kris Jose

Previous articlePinas, Malawi nagkasundo sa pagpapalakas ng agrikultura, student exchange
Next articleAgriLink 2023 pinangunahan ni Villar