Home OPINION RELASYON SA KALIKASAN

RELASYON SA KALIKASAN

NGAYONG unang linggo ng Oktubre ay isasara na ang “Season of Creation” o Panahon ng Sangnilikha.   Sa pangunguna ng Simbahang Katolika at kaisa na rin ang ibang mga relihiyon. Pinapahalagahan nito ang pangangalaga at pagpapayaman ng
kalikasan bilang bahagi ng mga nilikha ng Diyos.

Binibigyan-diin sa panahong ito ang paniniwala natin na dahil ang tao, kalikasan at ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos, ibig sabihin ay magkakaugnay ang lahat ng mga tao at dapat ay pinapasigla, inaalayan at pinapanatili ang mabuting relasyon.  \

Ang relasyon na ito ay hindi lang sa pisikal, kundi pati sa espiritwal. Kaya nga ang bagong kaisipan ay paano ba gagamitin ng tao ang kalikasan at likas- yaman nang hindi n’ya ito sinisira o inuubos.

At dahil wala pa naman tayong alam na ibang planeta o mundo na pwedeng mamuhay ang tao at ang ibang nilikha, aba ay
dapat na alagaan natin ang nag-iisang tahanan natin.   “Care for our common home”, ika nga.

Eksakto naman na ngayon linggo rin ito ay ipinagbubunyi natin ang Pista ni San Francisco ng Assissi, tuwing Oktubre 4.  Siya ang patron ng kalikasan at mga hayop.   Ayon sa kwento, kayang makipag-usap ni San Francisco sa mga hayop kaya naunawaan n’ya ang mga hiling at panawagan ng mga ito.  Si San Francisco ang inspirasyon ni Pope Francis, kung saan n’ya hinango ang kanyang titulo.

Natuwa naman ako sa modernong pag-aangkop, na ang Okt. 4 ay ginawa ring ‘World Pet Day’.   Nakita ko sa mga balita na ang “fur parents” ay nagsimba at nagdaos ng iba’t-ibang gawain para ibida at ipagmalaki ang kanilang fur babies.   Patok din ang mga misa at “blessings” sa mga alagang hayop, pet shows at pet parades.

Nagbago na nga ang depinisyon ng marami sa kanilang mga relasyon sa kanilang mga alagang hayop.   Mas lumalim at maigting ito.

Sana ay umabot din tayo sa panahon na ganon kalalim at kasidhi ang ating relasyon at pagpapahalaga sa kalikasan at sa mundong tirahan natin.

Previous articleMAYNILA TUMALIMA SA E.O. 41 NI PBBM
Next articlePRESYONG BIGAS ‘WAG SAMANTALAHIN