MANILA, Philippines – PATULOY ang ginagawang paghahanda ng administrasyong Marcos para sa posibleng epekto na bitbit ng bagyong Mawar sa bansa.
Sa isang kalatas, sinabi ni Office of Civil Defense Assistant Secretary Raffy Alejandro IV na naka-monitor ang OCD at regional offices nito sa sitwasyon, sa pakikipagtulungan na rin sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Ani Alejandro, pauna nang inalerto ng OCD ang local government units (LGUs) sa eastern seaboard ng bansa na maaaring maapektuhan ng bagyo.
Bagama’t base sa kasalukuyang forecast, walang inaasahang landfall ng bagyo at walang direktang epekto sa weather system ng bansa.
Giit ng mga opisyal, “Mawar could pull or intensify southwest monsoon or habagat, bringing with it strong winds and heavy rain as it enters the Philippine Area of Responsibility (PAR).”
Magsasagawa naman ang OCD ng pre-disaster risk assessment kasama ang science agencies para tukuyin ang mga LGU na “at risk” at idetermina ang prescribed alert level at katumbas na “response protocols.”
Sinabi ni Alejandro na ang mga responders at rescue teams ay kasalukuyan ngayong naka-alert at standby.
Idagdag pa na ang relief goods at iba pang items ay “stockpiled at pre-positioned.”
Si Mawar, na tatawaging Betty sa sandaling ito ay pumasok sa PAR, ay inaasahang magpapalakas ng hanging habagat at maaaring pumasok sa PAR, Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga. Kris Jose