Home NATIONWIDE Relokasyon ng ISFs sa Malabon, inihahanda na ng NHA para sa tag-ulan

Relokasyon ng ISFs sa Malabon, inihahanda na ng NHA para sa tag-ulan

MANILA, Philippines – Bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan, pinabilis ng National Housing Authority (NHA), sa direktiba ni NHA General Manager Joeben Tai, ang relokasyon ng mga informal settler families (ISFs) na naninirahan sa mga daanan ng tubig sa Malabon City bilang paghahanda sa paparating na panahon ng habagat.

Kaugnay nito, sa darating na Marso 25, 2024, dalawampung (20) pamilyang naninirahan sa ilalim ng Don Basilio Bridge sa Brgy. Dampalit, Malabon City ang ililipat sa isa sa pinakamalaking proyektong pabahay ng lungsod – ang St. Gregory Homes Housing Project sa Brgy. Panghulo.

Nagsagawa na ang Malabon/Navotas/Valenzuela (MANAVA) District Office ng census at tagging sa pagtukoy sa mga benepisyaryo na mapagkakalooban ng bagong bahay at bagong komunidad.

Sa ilalim ng Resettlement Assistance Program for Local Government Units (RAP-LGU), nagbibigay ng tulong teknikal ang NHA sa mga LGU para sa pagkakaloob ng in-city o near-city resettlement sa mga ISFs na naninirahan sa mga mapapanganib na lugar, daanan ng tubig, at apektado ng mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.

Samantala inihayag ng live-in partners na sina Juliet De Guzman at Dante Cilia ang kanilang pananabik sa paparating na relokasyon.

Kaugnay nito nakatuon sa kampanya ng administrasyon na isang Bagong Pilipinas, tinitiyak ng NHA, kasama ang mga LGU, na bukod sa dekalidad na pabahay ay nagtatayo rin ang NHA ng mga maunlad na komunidad para sa mga pamilyang benepisyaryo nito.

Samantala, kamakailan lang, nagsagawa rin ang NHA-MANAVA District Office ng pamamahagi ng P10,000 na tulong-pinansyal sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) para sa 81 pamilyang nasunugan sa Navotas City. Ito ay bahagi ng naunang 1,328 pamilyang Navoteñong nakatanggap ng kaparehong tulong mula sa NHA.

Para sa 2024, ang NHA ay nakapamahagi na ng EHAP sa iba’t ibang lugar na tinamaan ng mga kalamidad gaya ng Manila, Mandaluyong, Muntinlupa at Quezon City, Iloilo, Palawan, at Tawi-Tawi. Personal namang pinangunahan ni NHA GM Tai ang pagkakaloob ng EHAP sa Zamboanga at kasama naman si Senator Imee Marcos sa pamamahagi sa Laguna at Cebu. Santi Celario

Previous articleMPT muling magpapatupad ng programa sa Semana Santa
Next articleDOH ‘code white’ ngayong Semana Santa