Home NATIONWIDE Remittances pumalo sa six-month high – BSP

Remittances pumalo sa six-month high – BSP

MANILA, Philippines – Patuloy na tumataas ang remittance inflows mula sa overseas Filipinos sa buwan ng Hunyo na pumalo pa sa pinakamataas sa loob ng anim na buwan, batay sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Martes, Agosto 15.

Naitala ang cash remittances o money transfers sa pamamagitan ng mga banko at formal channels sa $2.812 billion, mas mataas sa $2.494 billion noong Mayo, at 2.1% na mas mataas mula sa $2.755 billion noong Hunyo 2022.

Ito na rin ang pinakamataas mula sa $3.159 billion noong Disyembre 2022.

“The expansion in cash remittances in June 2023 was due to the growth in receipts from land- and sea-based workers,” saad sa pahayag ng BSP.

Lumago rin ng 2.9% ang year-to-date cash remittances sa $15.793 billion mula sa $15.347 billion sa comparable period noong nakaraang taon.

Pinakamalaki ang Estados Unidos sa 41.1% sa total remittances sa first half ng taon, sinundan ng Singapore sa 6.9%, Saudi Arabia sa 5.9%, Japan sa 5.1%, at United Kingdom sa 5.0%.

Sinundan naman ito ng United Arab Emirates sa 4.0%, Canada sa 3.4%, South Korea at Qatar sa tig-2.8%, at Taiwan sa 2.7%.

Samantala, ang personal remittances o mga perang ipinadala sa cash o in-kind sa pamamagitan ng informal channels ay luamgo rin ng 2.2% sa $3.131 billion mula $3.064 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Ang year-to-date personal remittances naman ay naitala sa $17.590 billion, tumaas ng 3.0% mula sa $17.086 billion sa kaparehong panahon noong 2022. RNT/JGC

Previous articleP20K calamity loan alok ng SSS sa mga biktima ng bagyong Egay
Next articleIRR ng New Agrarian Emancipation Act sisimulan na