Home HOME BANNER STORY Rep. Teves sinibak sa Kamara

Rep. Teves sinibak sa Kamara

MANILA, Philippines- Sinibak na ng Kamara nitong Miyerkules si Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr., na sangkot sa patong-patong na kaso at hindi pa rin matukoy ang kinaroroonan.

May kabuuang 265 mambabatas ang pumabor sa pag-adopt sa unanimous recommendation ng Committee on Ethics na patalsikin si Teves para sa kanyang “disorderly behavior and for violation of the Code of Conduct of the House of Representatives.”

Binanggit ng panel na basehan ng pagsibak lay Teves ang patuloy na  absence without leave at paghiling ng political asylum sa Timor-Leste. Anito, katumbas ng mga aksyong ito ang pag-abandona sa public office.

Binanggit din nito ang pagtukoy kay Teves bilang “terorista” at kanyang “indecent behavior” sa social media, kabilang ang video kabilang ang video kung saan makikita siyang sumasayaw suot lamang ang kanyang panloob, na ayon sa komite ay nagresulta as “dishonor” sa Kongreso.

“The Committee finds that the gravity of the offenses committed by Rep. A. Teves, Jr. merits a heavier sanction in order to protect the dignity, integrity and reputation of the House of Representatives,” anito sa ulat.

Walang tumaliwas sa committee recommendation, bagama’t tatlong mambabatas mula sa Makabayan bloc ang nag-abstain sa pagboto.

Partikular na kinuwestiyon nina Representatives Arlene Brosas, France Castro at Raoul Manuel kung bakit kasama ang pagtukoy ng Anti-Terrorism Council (ATC) kay Teves bilang terorista sa rason ng kanyang expulsion.

“In the first place, the committee report should not have included what was being pressed on by the anti-terror council which is a very questionable body in our country right now,” giit ni Manuel.

Subalit, iginiit ni Committee chairman Felimon Espare na hindi lamang ang ATC designation ang rason ng kanilang mungkahing tanggalin si Teves.

“It was just included in the discussion, but in our recommendation, it is very clear that we just act on our recommendation for disorderly behavior and for violation of the code of conduct. A mere designation is not the basis of our recommendation,” sabi ni Espares.

Matatandaang pinatawan ng Kamara si Teves ng 60-day suspension noong March 22, sa pagmamatigas umano nitong umuwi sa Pilipinas sa kabila ng napasong travel authority. Iginiit ng mambabatas na hindi siya makauwi ng bansa dahil sa mga banta sa kanyang buhay.

Buwan ng Mayo nang muling suspendihin ng Kongreso si Teves sa loob ng panibagong 60 araw at pinawalang-bisa lahat ng kanyang committee memberships.

Si Teves ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso ng kasalukuyang taon. RNT/SA

Previous articlePinas may 96 bagong COVID-19 cases
Next articleEconomic managers nagbabala vs P150 dagdag-sahod