MANILA, Philippines – Sinabi ni Ombudsman Samuel Martires nitong Lunes, Setyembre 11 na hindi kailangan ang resibo para sa confidential funds.
Ang deklarasyong ito ni Martires ay kasabay ng budget briefing ng ahensya para sa 2024, bilang tugon kay House Deputy Minority Leader France Castro na kritikal sa surveillance budget ng pamahalaan.
“Saan niyo ito ginagamit itong confidential fund? May mga resibo po ba na sina-submit sa COA (Commission on Audit) at gaano ka-regular ito na binibigay for audit?” tanong ni Castro.
“‘Pag ni-require po niyo ang isang ahensiya ng gobyerno na may confidential fund na mag-submit ng resibo ay di na ho confidential fund yun,” sagot ni Martires.
Sinabi ni Castro na sakop ng 2015 joint circular ang confidential funds, ngunit sinabi naman ni Martires na walang legal requirement sa pagpapasa ng resibo.
Idinagdag pa niya na mahirap para sa intelligence officers na magpasa ng resibo para sa transportasyon, pagkain at iba pang gastusin sa bawat oras na may iimbestigahan silang kaso.
“I don’t think a receipt is important. What is needed is that we make a certification, we issue a certification to the effect that we have spent the confidential fund for purpose of investigation of cases,” ani Martires.
Aniya, maaaring alisin na lamang ng mga mambabatas ang confidential fund ng kanyang opisina kung aabot ito sa hindi pagkakasundo-sundo kung kinakailangan ba ang resibo.
“We can survive, I can continue investigating cases with just a smile at my friends in the ISAFP (Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines), and in some other investigation agencies,” giit ni Martires.
Hindi na ipinilit ni Castro ang argumento ngunit sinabi na dapat ay may tamang liquidation.
“Hindi ito pwedeng sabihin na walang resibo dahil taon-taon po nakikita natin tumataas ang confidential funds. Kung ganyan po ‘yong sinasabi ninyo, baka ma-encourage ang lahat ng mga government offices na gumamit na lang confidential fund kung wala naman itong resibo,” ani Castro.
Sinabi pa niya na nagamit lamang ng Ombudsman ang 40 hanggang 45% ng confidential funds nito sa nakalipas na mga taon.
Sa katunayan, P18.69 milyon lamang ang nagamit sa P51 milyong confidential fund ng ahensya para sa 2022.
“Kung makakapagtipid po kami bakit ba hindi?” tugon ni Martires.
“Kung kami po ay makikusyo sa intel committee na di kami gagastos, bakit nga ba di namin gagawin?” RNT/JGC