Home METRO Residential area sa Alabang nagliyab!

Residential area sa Alabang nagliyab!

MANILA, Philippines- Nasa 200 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang residential area sa Barangay Alabang, Muntinlupa nitong March 17. 

Batay sa inisyal na ulat ng Muntinlupa City Fire Station at Muntinlupa City Department of Disaster Resilience and Management, nagsimula ang sunog dakong alas-4:48 ng madaling araw sa Mariategue at Joaquin Compounds sa Wawa, Alabang. 

Umabot ang sunog, na tumagal ng halos limang oras, sa second alarm ng alas-7:22 ng umaga bago makontrol pagtuntong ng alas-9:06 ng umaga at tuluyang maapula pagsapit ng alas-9:42 ng umaga.

Binisita ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang pinangyarihan ng sunog at ang evacuation site sa Alabang Elementary School kung saan pinoproseso ng mga tauhan ng Barangay Alabang at ng city government ang mga apektadong pamilya. 

Base sa mga saksi, nagsimula ang sunog mula sa isang tahanan sa tabi ng creek, hanggang sa kumalat na ang apoy dahil sa malakas na hangin.

Nag-deploy na ng mga bangka sa creek upang ilikas ang mga indibidwal sa lugar, base sa alkalde.

Lumabas naman sa bagong report ng Muntinlupa City Fire Station, na pinamumunuan ni Fire Supt. Rowena Gollod, na halos 200 tahanan at establisimyento ang nawasak sa sunog na nagresulta sa P750,000 halaga ng pinsala sa mga ari-arian.

Walang naitalang biktima mula sa insidente na nakaapekto sa halos 400 indibidwal. Kasalukuyang gumugulong ang imbestigasyon upang matukoy ang mitsa ng sunog. RNT/SA

Previous articlePNP magtatalaga ng 34K pulis para sa Mahal na Araw, summer break
Next articleKapatid na suspek sa pagpatay sa mag-ina sumuko; krimen inamin