MANILA, Philippines- Posibleng apektado ang probisyon para sa servicemen na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre matapos bombahin ng Chinese vessels ng water cannons ang resupply mission ng Pilipinas sa outpost sa Ayungin Shoal.
Ito ay matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang tanungin ukol sa sunod na hakbang matapos ang insidente noong Sabado, nang ilang Chinese Coast Guard at military vessels ang nagsagawa ng dangerous maneuvers laban sa apat na Philippine vessels, kabilang ang pagbomba sa kanila ng tubig.
“Buti na lang wala namang nasaktan, walang injury, ngunit magkukulang ang resupply na dinala sa Sierra Madre ngayon kaya’t kailangan natin isipin what we will do next,” pahayag ni Marcos.
Ani Marcos, nakatakda ang command conference matapos ang change of command rites ng Philippine Army sa araw na iyon, upang talakayin “how we will respond.”
“But as you can imagine, ayokong pag-usapan ang operational aspects niyan. But we continue to assert our sovereignty,” sabi niya.
“We continue to assert our territorial rights in the face of all of these challenges and consistent with the international law and UNCLOS especially,” patuloy ng Pangulo.
Noong 2016, nagtagumpay ang Pilipinas sa landmark ruling ng international tribunal na bumasura sa massive claims ng China sa halos kabuuan ng South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea, o katubigang saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Hindi naman kinikilala ng China ang ruling, at patuloy ang agresyon sa mga teritoryo sa katubigan, at nagsagawa pa ng reclamation activities sa lugar.
Depensa pa nito sa Ayungin Shoal incident, nagsagawa lamang umano ito ng “necessary controls” laban sa Philippine boats na iligal na pumasok sa inaangkin nitong katubigan.
“Two repair ships and two coast guard ships from the Philippines illegally broke into the waters… in China’s Nansha Islands,” pahayag ni China Coast Guard spokesperson Gan Yu.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ginamitan ng Chinese vessels ng water cannons laban sa Philippine ships, o tinarget ang resupply missions sa Sierra Madre.
Nitong Lunes, muling iginiit ng China ang hirit nito sa Pilipinas na alisin ang barko.
“The historical context of the issue of Ren’ai Jiao is very clear. In 1999, the Philippines sent a military vessel and deliberately ran it aground at Ren’ai Jiao, attempting to change the status quo of Ren’ai Jiao illegally,” pahayag nito.
“China immediately made serious démarches to the Philippines, demanding the removal of the vessel. The Philippines promised several times to tow it away but has yet to act. Not only that, the Philippines sought to overhaul and reinforce the military vessel in order to permanently occupy Ren’ai Jiao,” dagdag pa.
Nanindigan naman ang Pilipinas na hindi nito aabandonahin ang Ayungin.
Kinondena ng Philippine lawmakers ang August 5 incident, at hinikayat ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Marcos na dalhin ang isyu sa international community.
Gayundin, sinita ng US, Canada, Japan, Australia at ng European Union ang pangyayari, at pinagtibay ang kanilang suporta sa 2016 arbitral ruling. RNT/SA