MANILA, Philippines – NASAWI ang isang dating Philippine National Police (PNP) general makaraang ma-trap sa kanilang nasusunog na bahay sa Brgy. Tandang Sora, Quezon City kagabi, Mayo 17.
Ayon kay FO2 Roxanne Malicad, officer on case, kinilala ang nasawi na si Ret. Gen. George Ancheta, 76 years old, residente ng no. 9 William St., Carmel 3 Subd., Brgy. Tandang Sora, QC.
Sinabi sa ulat na si Ancheta ay kapatid ni dating City Councilor Beth Delarment at tiyuhin ng incumbent councilor, majority floor lead Councilor Doray Delarmente kapwa ng District One.
Base sa paunang imbestigasyon ng BFP, napabayaang kandila sa isang kwarto sa naturang bahay ang naging sanhi ng sunog.
Nabatid sa ulat na ang mabagal na pagresponde ng Quezon City Fire Department ay naging sanhi ng pagkamatay ng naturang retiradong police general.
Sinabi ni Malicad na ang “nasunog” na bangkay ni Ancheta ay natagpuan sa loob ng master’s bedroom sa kanilang dalawang palapag na lumang bahay sa No. 9 William Street, Carmel III Village sa Barangay Tandang Sora bandang 11:00 ng gabi ng maapula ang apoy, pagkatapos ang unang alarma.
Gabi-gabi umanong nagtitirik ng kandila ang mag-asawang may-ari sa loob ng kwarto ng namayapa nilang anak.
Nakaligtas naman ang asawa ng dating police official at ang kanilang kasambahay. Santi Celario