MANILA, Philippines – Target ng five-man advisory group na matapos ang review sa mga ipinasang courtesy resignations ng mga senior police official nang hindi lalampas sa tatlong buwan, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nitong Lunes, Pebrero 13.
Sa press briefing, sinabi ni Azurin na siya ring miyembro ng advisory group, na nakatakda silang mag-usap ngayong araw patungkol sa mga panuntunan sa screening ng resignation.
“Part of the discussion, we’ll also be…how do we intend to finish the job in less than three months kasi dapat mabilis,” ani Azurin.
“Yung mga data natin andyan naman for them to look and see para sa kanilang pag-evaluate individually sa mga third-level officers natin,” dagdag niya.
Aniya, nakahanda na ang initial draft ng guidelines para sa pagsusuri sa mga senior police officers, kasabay ng pagbibigay ng komento ng five-man advisory group patungkol dito bago gawin ang final draft.
Sinabi pa ni Azurin na maaaring gumawa ng apela sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang mga high-ranking police officials na tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ipinasang resignation.
Matatandaan na noong Enero, nanawagan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa mga matataas na opisyal ng PNP na magpasa ng courtesy resignation bilang bahagi ng cleansing sa ahensya laban sa mga pulis na sangkot sa illegal na droga. RNT/JGC