Home NATIONWIDE Rice retailers na apektado ng price cap, makatatanggap ng P15K assistance

Rice retailers na apektado ng price cap, makatatanggap ng P15K assistance

372
0

MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na maaaring  makatanggap ang small retailers na apektado ng rice price cap ng P15,000 financial assistance sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD.

Bubuo at magpapalabas naman ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ng mekanismo at listahan ng mga benepisaryo ng nasabing tulong.

Ani Gatchalian, nakausap na niya si House appropriations committee chairperson Zaldy Co ng Ako-Bicol party-list, Lunes ng gabi ukol sa bagay na ito.

“Ang paliwanag ko, meron pa namang pondo ang DSWD. Kasi sa utos ng ating Pangulo, ‘yung gagamitin nating behikulo na programa dito, ‘yung tinatawag na Sustainable Livelihood Program,” aniya pa rin sa isang panayam.

Nauna rito, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na target ng administrasyong Marcos na magbigay ng P2 bilyong halaga ng tulong sa rice retailers na makararanas ng pagkalugi dahil sa price ceiling.

Sa isang kalatas, sinabi ni Romualdez, na ang Kongreso, sa pamamagitan ni Co, ay naipaabot sa Department of Budget and Management (DBM) na maghanap ng paghuhugutan ng pondo para sa  P2 bilyon.

Ang price ceiling sa bigas ay epektibo ngayong araw ng Martes, Setyembre 5.

Nauna rito, tinitingnan ng pamahalaan ang mga posibleng subsidiya at iba pang paraan para matulungan ang maliliit na negosyo na maaapektuhan ng price ceiling sa bigas.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Agaton Uvero, binubuo na ang assistance program upang matulungan ang maliliit na traders at retailers hanggang sa maging matatag ang presyo ng bigas.

“‘Yung lead agencies naman dito, LGUs (local government units) and DILG (Department of the Interior and Local Government), tapos DA (Department of Agriculture), DTI,” sabi ni Uvero.

“Pagdating sa pagtulong sa maliliit na negosyante, DTI parati naman iyong lead agency diyan eh, so may mga pinag-uusapan na subsidies, ‘yung mga ganoon,” dagdag pa niya.

Samantala, nanawagan si Uvero sa maliliit na negosyante na magsakripisyo muna para sa kapakanan ng mga consumer.

“Hinihingi ng pamahalaan ‘yung sakripisyo ng mga retailers na medyo tumulong din sila sa mga mamamayan, sa nakakarami,” aniya.

Sa ilalim ng Executive Order No. 39 na epektibo sa ngayong Martes, ang price cap ng regular milled rice ay P41 kada kilo, habang well-milled rice ay maaaring ibenta hanggang P45 kada kilo.

Inaasahang malulugi ang maliliit na negosyo na bumili ng bigas sa mas mataas na presyo.

Gayunman, sinabi ni Uvero na sa kanilang pagtataya, posible ang ‘breakeven.’

“Based sa computation namin, puwede kasing ibenta pa na siguro hindi naman lugi, baka wala nga lang kita,” aniya.

“Kahit ‘yung pagod, hindi makabalik, pero at least ‘yung sa cost mismo noong capital makakaya pa.”

Ayon pa kay Uvero, ang price ceiling ay maaaring hindi umabot ng dalawang buwan, o hanggang sa dumating ang mga karagdagang rice supply para makatulong na mapatatag ang presyo. Dagdag pa niya, ang rekomendasyon na alisin ang price cap ay magmumula sa DA.

Tiniyak din ng trade official na tutugisin ng mga awtoridad ang mga hoarder at profiteer, na ayon sa pamahalaan ay nasa likod ng artificial rice shortage at price hikes. Kris Jose

Previous articleKris at Marc, “nagburahan” sa IG!
Next article#WalangTubig sa ilang bahagi ng Makati, Manila, QC ngayong linggo

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here