Home NATIONWIDE Rice stock ng Pinas sa pagtatapos ng 2024 papalo sa 3.64M MT...

Rice stock ng Pinas sa pagtatapos ng 2024 papalo sa 3.64M MT – DA

MANILA, Philippines- Inaasaahang magtatapos ang 2024 na may mas mataas na rice stock inventory ang Pilipinas sa kabila ng mga hamong dulot ng El Niño at La Niña phenomena, ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Martes.

“At the end of the year, we are seeing, the latest… it could be 3.64 million metric tons (MT). Almost equivalent to 95 days,” pahayag ni DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo sa Kapihan sa Bagong Pilipinas forum sa Quezon City.

Mas mataas ang end-2024 rice stock inventory kumpara sa 1.9 million MT rice stocks hanggang nitong Disyembre 2023.

Samantala, hanggang Mayo ng kasalukuyang taon, nananatili ang kabuuang rice stocks ng bansa sa 2.08 million MT, mas mataas ng 10.3% year-on-year. 

Hanggang nitong unang quarter, lumabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang palay output ng 1.96% sa 4.69 million MT mula 4.78 million MT sa parehong panahon noong nakaraang taon, dahil sa El Niño.

Sinabi ni Manalo na pananatilihin ng DA ang 20.44 million MT palay harvest goal nito para sa kasalukuyang taon.

Aniya, bubuo ahensya ng “climate-smart map of rice areas” na maaapektuhan ng “more destructive” La Niña.

“The strategy of the government for La Niña will be, as much as possible, a location-specific evaluation,” wika ni Manalo.

Hanggang nitong Hunyo 6, pumalo ang kabuuang pinsala dulot ng El Niño sa P9.89 billion, katumbas ng 441,801 MT ng napinsalang volume.

Iniuugnay ang mas mataas na inaasahang rice stock sa nakikitang mas mataas na importasyon ng Pilipinas ngayong taon dahil sa pagbaba ng import tariff rates sa 15% hanggang 2028.

Sa pagtataya ng United States Department of Agriculture sa June 2024 grains report nito, inaasahan na mag-aangkat ang bansa ng 4.6 million MT ngayong taon.

Sinabi ni DA Assistant Secretary and spokesperson Arnel de Mesa na nakapag-angkat na ang bansa ng 2.2 million MT hanggang nitong Hunyo 2024. RNT/SA