Home METRO Ride-hailing app rider arestado sa pagnanakaw

Ride-hailing app rider arestado sa pagnanakaw

MANILA, Philippines- Naaresto ng mga operatiba ng San Juan City Police Station nitong Huwebes ang dalawang suspek, kabilang ang isang ride-hailing app rider, matapos nakawan ang isang babae sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay Addition Hills, San Juan City, noong Hunyo 15.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Joshua Manuel, 21, isang tricycle driver, at Christopher Parangan, 26, ride-hailing app rider. 

Sinabi ng mga pulis na ninakawan din ng mga suspek ang isa pang babae sa Barangay Maytunas noong Miyekules.

Sa isinagawang follow-up operation, naaresto si Parangan, kung saan inamin niya ang mga krimen at tinukoy si Manuel bilang kasabwat niya.

Narekober din ng mga awtoridad kay Parangan ang motosiklong ginamit sa dalawang krimen.

Isiniwalat ng Philippine National Police (PNP) e-Rogue Gallery System na mayroon nang nakaraang criminal records ang dalawang suspek.

Sina Parangan at Manuel ay kasalukuyang nasa San Juan City Police Station para sa paghahain ng kaukulang kaso. RNT/SA