MANILA, Philippines – PATAY ang isang rider matapos na malapitang barilin sa ulo ng mga hindi pa nakikilang suspek madaling araw ng Martes, Mayo 15 sa lungsod ng Quezon.
Nakilala ang biktima na si Dante Bernabe Jr., 26 anyos, residente ng 8 Ezekeil, Ezra Fil Height, Q.C.
Nakatakas naman ang tatlong hindi kilalang suspek, gamit ang motorsiklo ng biktima.
Base sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Police Station 16 (PS-16), dakong ala-1:30 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa Quirino Highway, Brgy Kaligayahan, Novaliches, Q.C.
Ayon sa testigo, kasalukuyan siyang nagkakape nang makarinig ng mga putok ng baril at nang silipin nito ay nakita umano niya na duguan nang nakabulagta ang biktima, matapos barilin sa ulo ng isa sa mga suspek.
Kinuha pa umano ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima at pinalitan ng iba.
Ang iniwang motorsiklo ay dinala na sa Criminal Investigation and Detection Unit habang tinutugis na rin ng mga pulis ang mga suspek at inaalam kung nahagip ng CCTV ang mga mukha ng mga ito.
Inaalam na rin ng mga pulis ang posibleng motibo sa pagpatay. Jan Sinocruz