KALIBO- PATAY ang isang rider matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang riding in tandem suspect habang naka-fb live pa ang una sa gitna ng kanyang pagmamaneho ng motorsiklo, nitong Martes ng gabi sa bayang ito.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang biktimang si Ryan Gomez Relator, 44 anyos, residente ng Brgy. Poblacion, Banga, Aklan.
Batay sa report ng Kalibo-PNP, bandang 11:50 PM ng maganap ang krimen sa kahabaan ng Mercedes Village sa Brgy. New Buswang, Kalibo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakuhanan pa ng biktima ang pamamaril sa kanya sa gitna ng kanyang pagmamaneho bigla na lamang narinig ang mga putok ng baril sa likurang bahagi ng biktima sabay sibad ng motorsiklo sakay ang mga suspek.
Bumagsak ang biktima sa lupa at naririnig pa ang paghingi nito ng tulong hanggang sa pahina ng pahina ang boses.
Dinala naman ng mga rumespondeng otoridad sa Aklan Provincial hospital ang biktima subalit pagsapit ng 12:35 kaninang madaling-araw (Miyerkules) ay nalagutan rin ng hininga ang biktima sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek./Mary Anne Sapico