MANILA, Philippines- Matinding kinondena ni Senador Risa Hontiveros ang paggastos ng opisina ni Vice President Sara Duterte sa mahigit P125 milyong confidential funds sa loob lamang ng 11 araw nitong nakaraang Disyembre bago magtapos ang 2022.
Reaksyon ito ni Hontiveros matapos matuklasan ng Commission on Audit (COA) na mahigit P125 milyon confidential funds ang nilustay ng OVP sa loob ng 11 araw, taliwas sa unang report na naubos ito sa loob ng 19 araw noong Disyembre.
“Anong uri na naman ng magic ang ginamit nila para ubusin ang P125M sa loob ng 11 araw? Hindi na lang yan spending spree. Yan ay paglapastangan sa mamamayan,” giit ni Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, sobrang gaspang ng spending spree ng OVP na “dumurog” sa lahat ng utilization rate ng halos lahat ng ahensya ng pamahalaan sa paggamit ng regular budget na aprubado ng Kongreso.
“Napakagaspang. P11 million kada araw? Daig pa ang may patagong credit card sa national budget. Hindi niyo pera yan!” ayon kay Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, maaaring gamitin ang confidential funds nang legal sa gastusin na sumusuporta sa surveillance activities ng civilian agencies.
“Yung ating Coast Guard sa West Philippine Sea, araw-araw binabantayan ang sumpong ng China. 17 years pinagkasya ang P117 million na confidential funds. Ang OVP, hindi man lang umabot sa dalawang linggo,” himutok ni Hontiveros.
Ipinagtataka rin ni Hontiveros kung bakit hindi maipakita ni Duterte ang listahan ng pinagkagastusan ng pondo partikular kung ilang libong informant ang kinalap na pinondohan ng P11.6 milyon kada araw
“What can VP Sara show for it? Nagmass hiring ba ang OVP ng libo-libong informant sa loob lang ng 11 na araw? Nagpatayo ba sila ng daan-daang safehouse sa loob lamang ng 11 na araw?,” ayon sa mambabatas.
“Babalik lang tayo sa paulit-ulit na tanong: Saan niyo dinala ang pera? Naghihintay ng resibo ang buong Pilipinas,” ayon pa kay Hontiveros. Ernie Reyes