Home NATIONWIDE Romualdez: Pinas walang gagastusin sa pagtulong sa Afghan refugees

Romualdez: Pinas walang gagastusin sa pagtulong sa Afghan refugees

MANILA, Philippines- Nilinaw ni Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez na hindi gagastos ang Philippine government saksaling pumayag ito na tulungan ang Washington sa pagproseso ng American visas ng dati nitong Afghan employees na tumatakas sa Taliban.

“The United States will cover all the costs,” giit ni Romualdez sa isang panayam nitong Huwebes, at binigyang-diin na magsisilbing lokasyon lamang ang Manila para maproseso ng US government personnel ang special immigration visas para sa Afghans.

Nitong Martes, nilinaw na ni Romualdez na ang hinihiling lamang ng Washington ay tulong sa pagproseso ng visas. Ito at matapos kuwestiyunin nina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senator Imee Marcos ang umano’y hiling ng US na kupkupin ng Pilipinas ang Afghan refugees.

“All are destined to proceed to the US after processing,” anang envoy.

Sinabi ni Romualdez na noong October 2022 ay hiniling na ito ng US at binusisi sa loob ng ilang buwan.

Bukod sa pagiging kaalyado ng US, ang Pilipinas ay isang logical location para rito dahil ang embahada ng Washington sa Manila ay may sapat na bilang ng empleyado na makatutulong sa pag-isyu ng visas, aniya.

Pahayag pa ni Romualdez, wala pang tiyak na bilang ng mga darating sa Pilipinas sakaling pumayag ang pamahalaan, subalit base umano sa impormasyong hawak nila, nasa 50,000 Afghans kasama ang kanilang pamilya ang lilipat sa US.

Samantala, bukas naman ang envoy sa imbestigasyong isasagawa ng Senate Committee on Foreign Relations sa pamumuno ni Marcos.

Kasado ito ngayong Biyernes upang busisiin ang request “due to the significance and urgency of the matter.”

Inihayag naman ni US Embassy acting spokesperson Stephen Dove na hindi lingid sa kaalaman nila ang Senate probe, subalit tumangging magkomento “on ongoing diplomatic discussions.”

“The Biden administration remains committed to the thousands of brave Afghans who stood side-by-side with the United States over the course of the past two decades,” ani Dove. RNT/SA

Previous articleDayuhang teenager sumuko sa military kasama ang Abu Sayyaf member
Next articleMas modernisadong BOC, asahan sa loob ng 2 taon – exec