Home NATIONWIDE Romualdez promotor ng P100 signature campaign sa PI – Bato

Romualdez promotor ng P100 signature campaign sa PI – Bato

MANILA, Philippines – Lantarang inakusahan ni Senador Ronaldo “Bato” Dela Rosa si House Speaker Martin Romualdez ang “nag-utos” o promotor ng peoples’ initiatives (PI) na kumakalap ng lagda sa maraming barangay sa bansa kapalit ng P100 hanggang P3,000 ayuda galing sa pondo ng pamahalaan.

Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa na may ilang kongresista ang umamin sa kanya na inutusan sila ni Romualdez na isulong ang peoples intiatives na tinaguriang “bribed initiatives” sa Senado upang baguhin ang 1987 Constitution, kapalit ang ayuda.

Ngunit, mahigpit na pinabulaanan ni Romualdez ang akusasyon ni Dela Rosa kahit naunang kinumpirma ni Senador Imee Marcos na siya ang pasimuno ng peoples’ initiative gamit ang P14 bilyong pondo ng Comelec.

Mahigpit na tinutulan ni Dela Rosa ang signature campaign na nagtatanong sa botante kung pabor itong amendahan ang Article 17, Section 1 ng 1987 Constitution upang payagan ang lahat ng miyembro ng Kongreso na bomoto ng magkasama sa pag-aamyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng constituent assembly.

Nilulusaw ng panukala ni Romualdez ang nakatakdang kapangyarihan ang Senado na hiwalay na bomoto sa anumang pagbabago sa Saligang Batas na mahigit din na tinutulan ng maraming senador.

Ikinokonsidera ni Dela Rosa na pansariling interes lam,ang ang isinusulong ng amendments sa 1987 Constitution pero hindi masisisi ang mga kongresista na sumunod sa kautusan mula sa lider ng Mababang Kapulungan.

“Mahirap na ha kasi kung komprontahin mo rin sila, sabihin nila sayo na, ‘Boss, pasensya ka na, just following orders lang kami. May orders ang aming speaker. So sunod lang kami sa order,’’’ ayon kay Dela Rosa sa press conference.

“So, following orders lang daw sila. So, mahirap din na sisihin mo sila pero kung tutuusin pwede talaga sisihin. Bakit ba por que orders, sunod ka lang nang sunod? Makikinabang ka rin siguro d’yan sa order na yan bakit ka sumunod,” giit niya.

Aniya, galing mismo kay Romualdez ang utos na isulong ang signature campaign kapalit ng P100 hanggang P3,000 ayuda, depende sa lugar at dami ng botante.

“Yun ang sabi sa akin ng congressman e. Di ko na sasabihin kung sino baka mamaya magalit sa kanya, pagalitan siya,” ani Dela Rosa.

Ibinulgar pa ni Dela Rosa na nag-aalok ang ilang kongresista sa Davao City ng halagang P100 hanggang P3,000 kapalit ng lagda people’s initiative.

“Merong nag-iisyu sa Davao City, pipirma sila, inisyuhan sila ng claim stub. Pirma, claim stub, siguro para sa TUPAD [Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers] or sa AICS [Assistance to Individuals in Crisis Situations],” ayon kay Dela Rosa.

“Tanungin niyo kung sino ang mga congressman sa Davao except Congressman Pulong [Duterte], ‘di sila kasama d’yan. Tanungin niyo kung sino congressman ang nagpapaikot don,” aniya.

Kasabay nito, mahigpit na pinabulaanan ni Romualdez ang paratang na may “order” sa mga kongresista na mangalap ng lagda.

“No orders. I don’t know what Senator Bato is talking about,” aniya.

Noong nakaraang Disyembre, inihayag ni Romualdez na napapanahon ang pag-amyenda sa Saligang Batas sa 2024 na tutukuyin kung paano boboto ang dalawang kapulungan ng Kongreso.

“We will highly recommend that we embark on a people-centered initiative to cure this impasse, so to speak, on how we vote. And I hope that we can undertake this as soon as possible so we could have some clarity on the procedures. We’d like to have that [procedural problem] resolved by and through a people’s initiative,” aniya sa pahayag noon. Ernie Reyes

Previous articleKwalipikadong gov’t workers hinikayat mag-aplay sa Grant of Additional Points sa CSE
Next articleRomualdez sa People’s Initiative signature drive: No orders