Home NATIONWIDE ROTC solusyon sa mental problems – Galvez

ROTC solusyon sa mental problems – Galvez

105
0

MANILA, Philippines – Naniniwala si Defense Secretary Carlito Galvez Jr. na makatutulong ang Reserve Officers’ Training Corps program upang malutas at magamot ang mga problema sa mental health.

Ito ang naging pahayag ni Galvez kasabay ng pagdinig ng Senado sa panukalang naglalayon na gawing mandatory ang ROTC.

Ipinaliwanag nito na sa pamamagitan ng ROTC ay masasanay ang mga estudyante sa mga karanasan na makatutulong sa kanilang buhay, hindi tulad ng sa National Service Training Program (NTSP).

“‘Yun ang pagkakaiba po sa NSTP. Ang experience training talaga pong naisasapuso niya po ang lahat ng ginagawa niya. ‘Yung [survival] instinct nandoon. So yung sinasabi nating mental problem, it can be cured, kasi yung frustration tolerance ng tao, tataas,” ani Galvez.

“Meron po siyang makukuhang experience na ‘Bakit ako naghihimutok eh ganito ‘yung nakikita natin na mas malala pa pala yung ginagawa ng ibang tao.’ Meaning, ‘yung mental ano pwede siyang ma-cure,” pagpapatuloy niya.

Masasanay din sa ROTC ng mga mentors at counsellors upang makatulong sa mga indibidwal na nakararanas ng mental health problems tulad ng post-traumatic stress disorder (PTSD).

“Sa ating training, karamihan po sa ating mga sundalo they are trained as [mentors], as [leaders], and also as [counsellors] meaning kung may problema ang isang tao…being a combat leader, na-expose po ako, marami po sa amin nagka-PTSD pero nabibigyan po namin ng counseling and because of the counseling nagbabago po ‘yung tao,” sinabi pa niya.

Samantala, inihayag din ni Galvez na wala siyang nakitang pag-unlad sa mga kabataan simula nang ipatupad ang batas sa NSTP.

“Napakatagal na natin na 21 years na ‘yung NSTP natin, hindi natin nakita yung tinatawag nating development sa ating mga youth ngayon– ‘yung tinatawag nating sense of nationalism, self…service at ‘yung tinatawag nating commitment to serve our country,” aniya.

Ngayong Lunes, Pebrero 6 ay nagsagawa ng pagdinig ang Senate Higher Technical and Vocational Education subcommittee para pag-usapan ang mga hakbang na nakapaloob sa mandatory ROTC program.

Sa simula pa lamang ng pagdinig ay nagpahayag na ng pagkontra sa mandatory ROTC sina Akbayan Youth chairperson Justine Raphael Balane at Student Council Alliance of the Philippines chairperson Ken Paolo Gilo.

Ani Gilo, dapat na iprayoridad muna ng pamahalaan ang education crisis sabay ang pagbibigay ng suhestyon nito na ang pagiging makabayan ay maaari namang maipakita sa iba’t ibang paraan.

Kung babalikan, sinabi ni Senador Ronald dela Rosa na sa pamamagitan ng ROTC ay mas maipakikita pa ng mga kabataan ang kanilang pagmamahal sa bayan.

“Walang nag-iisang anyo ng pagmamahal. Walang nag-iisang anyo ng nasyonalismo. Hayaan po natin na mahalin ng kabataan ang inang bayan sa kung paano nila gustong ipakita ito,” ani Gilo. RNT/JGC

Previous articleBong Go: Polisiya sa deployment ng OFWs repasuhin
Next articleMisis na illegal recruiter, kulong habambuhay