Home OPINION  RTL, NAKATULONG  BA SA MGA KONSYUMER AT MGA MAGSASAKA?

 RTL, NAKATULONG  BA SA MGA KONSYUMER AT MGA MAGSASAKA?

NANG ipasa ang Rice Tarrification Law na pangunahing inakda ni Senator Cynthia Villar na layuning ipahinto ang paghihigpit sa dami ng mga inaangkat na bigas, nagpahayag kaagad si dating Socioeconomic Planning Secretary Karl Kedrick Chua na isa ito sa pinakamahusay na inakdang batas para tulungan ang mga magsasaka at mamimili.

Sabi ni Chua, malulutas daw ng naturang batas ang pangangailangan ng mga mamimili para sa mababang presyo ng bigas at ang makokolektang buwis naman ang magpopondo sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF na magkakaloob ng tulong sa mga magsasaka.

Ipinagmalaki pa nga niya na noong 2021, nakakolekta sila sa ilalim ng naturang batas ng halos P19 bilyon na naimapamahagi sa mga magsasaka upang mapalaki ang kanilang ani kaya binatikos niya ang mga kumokontra sa naturang batas.

Kung totoo ang sinasabi ng dating kalihim, bakit kinapos pa rin ang produksyon ng bigas ang mga magsasaka at bakit tumaas pa rin kaysa dati ang halaga ng mga bigas sa merkado na dahilan para magtakda na ng price cap ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.?

Hindi naman natin inaalis ang ilang mga kadahilanan tulad ng pananalanta ng sunod- sunod na bagyo sa maliit na produksiyon ng bigas ng mga magsasaka pero dapat siguro, hindi pumalo sa napakataas na halaga ang bigas dahil isang damakmak naman ang importasyon nito sa ibang bansa ng mga rice importers.

Ipinasa kasi noong 2018 ang naturang batas nang magkaroon ng krisis ang bansa sa bigas na ang sinisisi ng pamahalaan ay ang pag-kontrol sa importasyon ng bigas.

Sa ilalim ng naturang batas, wala na sa kapangyarihan ng National Food Authority ang pag-aangkat ng bigas pati na rin ang kanilang regulatory power at tungkulin sa price stabilization. Ang natira na lang sa kanila ay ang pag-iimbak ng bigas para ilaan sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.

Sa datos na isinapubliko ni Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers, noong nakaraang taon ay naitala ang pinakamaraming inangkat na bigas ng bansa na umaabot sa 3.85 milyong tonelada na dahilan ng pagbagsak ng kita ng mga magsasaka.

Sabi ni Montemayor, bagama’t hindi naman daw gusto ng mga mambabatas na mangyari ang kasalukuyang sitwasyon, sila pa rin ang responsable sa pangyayari dahil minadali nila ang pagpapasa nito nang hindi pinag-aralang mabuti.

Siyempre, kahit ano pa ang ipaliwanag ng mga hindi sumasang-ayon sa naturang batas, todo-tanggol pa rin dito ang mga may akda sa paniwalang malaking tulong ito sa mga magsasaka at mamimili.

Previous article IBINALIK ANG SISI SA PUBLIKO
Next articleSIGALOT SA GITNANG SILANGAN