Home ENTERTAINMENT Ruffa, may payo kay Kuya Will!

Ruffa, may payo kay Kuya Will!

Manila, Philippines – Sa presscon ng “Martyr or Murderer”, nakunan namin ng pahayag si Ruffa Gutierrez tungkol sa mga bashing na natatanggap ni Willie Revillame dahil sa pagkastigo nito sa mga taong natutuwa diumano sa pagkatigil ng ilang programa ng AllTV kasama na ang show niyang M.O.M.S. (Mhies on a Mission).

Katunayan, nababatikos din ang “Wowowin” TV host dahil sa diumanoý panunumbat nito sa ilang taong kanyang natulungan lalo na sa mga kaibigan sa panulat.

Nakukuyog din kasi si Willie dahil muling sumulpot ang video na nakikipagtawanan siya nang mabanggit ng kanyang panauhin ang pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN at nawalan ng trabaho ng ilang libong empleyado ng network.

Para naman kay Ruffa na malapit kay Willie, naniniwala siyang malulusutan ng kontrobersyal na TV host ang kanyang bashers.

“Kuya Will has nine lives. I trust he’ll be fine. I don’t think he’ll suffer. Advice ko lang kay Kuya Will, enjoy life. Huwag niyang pansinin ang mga bashers. Nandiyan lang iyan.

“Sa tingin ko, narating na rin niya ang tuktok ng tagumpay. He has a good heart. Ang importante, happy siya sa pamilya niya at iyong mga natulungan niya, nandiyan lang sila at patuloy lang siyang pinagdarasal.

“Kaya Kuya Will, chin up. Don’t be sensitive,” payo niya.

Si Ruffa ay muling nagbabalik sa pagganap bilang dating First Lady Imelda Romualdez Marcos sa “Martyr or Murderer”, ang prequel sa matagumpay na “Maid in Malacanang”.

Ani Ruffa, sobrang proud siya dahil nabigyan na naman siya ng pagkakataon na i-reprise ang nasabing papel.

“I consider myself lucky that I have a chance na ma-meet si Mrs. Imelda Marcos, so doon pa lang, nagkaroon na ako ng chance na mapag-aralan siya at pati iyong nuances niya,” pahayag niya.

Mula sa produksyon ng Viva Films at VinCentiments at sa direksyon ni Darryl Yap, nagbabalik din sa cast ng kontrobersyal na pelikula sina Cesar Montano bilang Ferdinand Marcos, Sr., Diego Loyzaga bilang Bongbong Marcos, Cristine Reyes bilang Imee Marcos at Ella Cruz bilang Irene Marcos.

Palabas na worldwide simula sa Marso 1, kasama rin sa cast sina Isko Moreno, Jerome Ponce, Kyle Velino, Cindy Miranda, Beverly Salviejo, Franki Russell, Billy Jake Cortez at Giselle Sanchez. Archie Liao

Previous articleKahalagahan ng RCEP ratification, iginiit ni PBBM
Next articlePort operations division ng BI, inalis na